SSB: Sobra-Sobrang Buwis

Sinusuportan ng Bantay Konsumer, Kalsada, Kuryente (BK3) ang panawagan ng Philippine Association of Stores at Carinderia Owners (PASCO) laban sa panukalang dagdag buwis sa mga inuming may asukal o sugar-sweetened beverages (SSBs).

Nasa 300,000 na at dumadami pa ang lagda mula sa buong bansa ang naipon na ng PASCO upang salungatin ang nasabing excise tax sa mga SSB ayon sa House Bill (HB) 5636 na bahagi ng programang reporma sa buwis ng gobyerno—ang tinatawag na “TRAIN”.
Apatnapung porsiyento (40%) ng pang-araw-araw na kita ng mga may-ari ng tindahan, ayon na rin sa PASCO, ang nagmumula sa mga benta ng SSB gaya ng powedered juice, instant coffee at softdrinks. Maaaring mag-doble o mag-triple pa ang mga presyo ng nasabing produkto dahil sa dagdag buwis.
Para sa mga mahihirap na mamimili ang excise tax ay “hindi patas” at “mapang-api”. Nagkakaisa ngayon ang mga konsyumer, manininda, at pati na ang mga manggagawa ng mga pabrikang may kinalaman sa pagkain at inumin sa pagtutol sa nasabing dagdag-buwis.

Naaprubahan na ng House of Representatives ang SSB tax na nagpapataw ng P10 hanggang P20 na buwis kada litro ng SSB, depende sa pinagkukunan ng nilalamang asukal. Ayon sa HB 5636 may dagdag buwis na P10 kada litro sa mga inumin na may lokal na asukal at P20 sa mga inumin na may asukal o pampapatamis na inaangkat pa.

Nauunawaan nating kailangan ng pamahalaan ng pondo upang suportahan ang kanyang mga programa. Gayunpaman, ang ipinapanukalang buwis ay lalo lamang magpapahirap sa buhay ng mga mamimiling mababa na nga ang kita. May iba pang mga bagay o alternatibong maaaring isaalang-alang.

Una, ang paghikayat sa mga Public-Private-Partnerships para sa mga proyektong pang-imprastruktura. Makatitipid ang pamahalaan dito at magagamit niya ang ibang pondo upang tulungan ang mahihirap, sa halip na magpataw ng karagdagang buwis.

Ikalawa, baguhin ang panukalang excise tax. May alternatibong mungkahi na si Senador JV Ejercito hinggil sa pagbubuwis sa mga SSB. Mahalagang mapag-aralan ito.

Ikatlo, sa halip na magpataw ng karagdagang buwis, dapat pigilin ng gobyerno ang pagpupuslit at ipinagbabawal na mga kalakalan, mahinang koleksyon ng buwis, at mga kaugnay na katiwalian. Ayon nga sa isang pag-aaral ng Unibersidad ng Asya at ng Pasipiko (UAP), hindi bababa sa P904.6 bilyong piso ang nawala dahil sa mga iligal na negosyo at kalakalan sa loob ng limang taon. Labis pa sana ito upang matakpan ang halaga mula sa mungkahing buwis sa SSB.

Ang panghuling punto, mahina ang argumentong pangkalusugan na binabanggit ng mga tagapagtaguyod ng dagdag-buwis sa SSB. Tinuturing kasi nilang panganib sa kalusugan ang sobrang pagkonsumo ng matatamis na bagay dahil nagpapalaganap ito ng labis na katabaan o obesity sa bansa. Gayunpaman, ayon sa 2017 State of Food Security and Nutrition in the World ng Food and Agriculture Organization, laganap ang undernutrition at hindi ang labis na katabaan sa ating bansa. Sa katunayan, nasa 13.8 porsiyento ang undernutrition sa mga batang Pilipino, mas mataas kaysa sa bilang ng may sobrang timbang na mga bata na nasa 5 porsiyento lamang at ang labis na katabaan sa mga may sapat na gulang na nasa 5.2 porsyento naman.

Kaisa kami sa PASCO laban sa sobrang pabigat na buwis katulad ng SSB TAX. Mga konsyumer tayong lahat. Isang mabigat na pasanin para sa milyun-milyong Filipinong may mababang kita ang usaping ito.
Manawagan tayo sa ating mga mambabatas na unahin nila ang kapakanan ng mga mamimili.

Louie Montemar
Convenor, BK3