Pahayag ng Pagsuporta sa Vera Files

Kapangyarihan ang kaalaman at impormasyon.  Lalo na ngayon, sa panahon ng internet at computer technology, napakalinaw nito. Ang ating mga pagkilos ay hinuhubog ng kung ano ang alam natin at nauunawaan — tama man o hindi ang ating alam at pag-unawa.

Sa lawak ng saklaw ng teknolohiyang elektroniko sa ating mga buhay sa ngayon, hindi maiiwasang higit na nagiging makapangyarihan sa ating lipunan iyong mga may kontrol sa nasabing teknolohiya.  Kung sino ang may kontrol sa teknolohiyang elektroniko at pang-impormasyon, siya ang mas makapangyayari sa tunay na buhay—siya ang makapangyarihan!

Malinaw na mga konsyumer tayo hindi lamang ng mga pang-araw-araw na pangangailangan para pisikal na mabuhay, makikitang konsyumer din tayo ng impormasyon at kaalaman para sa makabuluhang pamumuhay.

Sa pananaw na ito nakabatay ang ating pagtangkilik sa sinabi ng pangulo ng VERA Files na si Ellen Tordesillas tungkol sa kanilang pakikipagsosyo ng Facebook: “Mahalaga na ang mga desisyon na ginagawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay ay batay sa tamang impormasyon. Ang mga kasinungalingan ay tila mga ulap sa isip na lumilikha ng pagkalito. Ang aming layunin sa pakikisangkot ng VERA Files sa Facebook ay upang mabawasan ang mga kasinungalingan sa social media at makatulong sa paglikha ng isang matalinong pamayanan — isang mahalagang bahagi ng demokrasya. ”

Tama lamang na may mga masinop na grupong gaya ng VERA Files na tutulong upang mas matiyak ang katumpakan ng kung anuman ang kumakalat na impormasyon sa social media. Sa atin, bilang mga konsyumer, titiyakin nito  ang isang mas malinis na batis ng impormasyong magagamit sa pagtangkilik sa iba’t ibang produkto at serbisyo—kabilang ang mga desisyon ng gobyerno at ng ating mga pinuno.

Sa pagdedesisyon, halimbawa na lamang, kung saan-saan tayo makatitipid sa ating mga bilihin, hindi ba’t napakainam na may isang social media platform gaya ng Facebook na makapagbibigay sa atin ng iba’t ibang impormasyon? Kung mayroon namang mas makapagtitiyak, makasusukat, o makapagpapatunay na tama ang impormasyon sa social media, hindi ba’t napakainam sana para sa lahat?

Kaya sige, lang Vera Files! Fact-check them!  Mabuhay kayo!

Mabuhay ang matalinong Filipino netizen at information consumer.