Pahayag sa Panukala ng NEA

Pahayag sa Panukala ng NEA

Kinikilala ng Department of Energy (DOE) na napakalaki pa ng kakulangan sa elektripikasyon.  Ayon sa Distribution Development Plan (2017-2026) ng ahensiya, may mahigit 22.63 milyong kabahayan ang may kuryente. Nasa 13.34 milyon ng mga ito ang pinagsisilbihan ng mga kooperatiba, 7 milyon naman ang nasa ilalim ng Manila Electric Company (MERALCO), at 2.3 milyon ang hawak ng mga provider sa pribadong sektor o mga lokal na pamahalaan.

Ang suliranin, may 2.12 milyong kabahayan ang wala pa rin ang di nabibigyan o naaabot ng mga linya ng kuryente.  Kalakhan nito, pitumpung porsiyento (70%) o 1.48 milyon, ang nasa Mindanao.

Lalong kapansin-pansin ang kalagayang ito dahil sa ang mga pinakamatataas na opisyal ng bansa sa ngayon ay mga anak ng Mindanao na siyang pinakamalaking isla ng ating arkipelago.  Mismong si Pangulong Duterte at ang pinuno pa nga ng National Electrification Authority (NEA) ng DOE ay mga Mindanaoan.

“Ang mga liblib na lugar ang pinakamalaking hamon sa pagbibigay kuryente sa lahat ng lugar sa bansa..Ikalawa, mga lugar na walang mga kalsada at mahirap pasukin; ikatlo, nariyan ang mga usapin sa right of way; ikaapat, ang  problemang pangkatahimikan at pangkaayusan; at, panlima ang mga likas na kalamidad,” pahayag ng NEA Chairman at anak ng Mindanao na si Edgardo Masongsong.

Sa pagkilala sa kalagayang ito at bilang tugon sa panawagan ng Pangulo na magbigay ng serbisyong-kuryente sa buong bansa, naghain ang DOE ng isang panukalang Executive Order (EO) para pirmahan ng Malakanyang.  Layon ng EO na lumikha ng isang Task Force at Technical Working Group na magtitiyak sa pagpapailaw sa buong bansa, kabilang na ang pagrepaso sa prangkisa ng mga electric cooperative na hindi pa rin nakatutugon sa pangangailangan ng mga konsyumer sa ating mga liblib na lugar.

Para sa Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3) — at sa ating lahat bilang mga konsyumer — malaki pa talaga ang dapat gawin ng NEA, kabilang na pagsasaayos sa kapangyarihan ng mga prangkisa para mas maserbisyuhan ang ating mga kababayan.

Ang kuryente ang dugo ng isang makabago at maunlad na lipunan.  Hindi tayo tunay na aangat at uunlad kung patuloy na bansot ang sistemang pang-enerhiya ng bansa habang sinisingil naman natin ang ating mga kababayan ng isa sa pinakamahal na presyo ng kuryente sa buong mundo.  SUPORTAHAN NATIN ANG PANUKALA NG NEA.

Louie C. Montemar para sa BK3