Pahayag ng BK3 Hinggil sa Pagtaas ng Presyo ng Bigas
Ang matinding pagtaas ng presyo ng bigas ang mukha ng kapabayaan at kakulangan ng suporta sa ating mga magsasaka! Dala ito ng kawangis na kaisipang nagpasa sa TRAIN Law at ngayon ay nagtutulak naman sa House Bill 775 o ang Rice Tarrification Bill.
Tayong lahat ay may karapatan sa ligtas at sapat na pagkain ngunit malinaw na bigo ang pamahalaan sa bagay na ito sa harap ng matinding pagtaas ng presyo at kakulangan sa de-kalidad na bigas—ang pangunahing pagkain ng bayan.
Noong Enero lamang, nasa 1.5% ang inflation o ang sukat ng paglobo ng mga presyo. Nitong nakaraang Hulyo, nasa 5% na ito. Tinatayang tataas pa itong lalo ngayong Agosto. Umabot na ng mahigit 70-piso ang isang kilo ng bigas na dati ay nasa 25 pesos lamang! May ilang balita pa na umabot na sa higit isandaang piso sa ilang lugar sa Mindanao.
Paano ito nangyari sa napakaikling panahon? Malinaw na dala ng TRAIN Law ang malaking bahagi ng pagsipa ng presyo ng diesel na direktang kasangkot naman sa produksyon, pagproseso, at transportasyon ng bigas. Sinagasaan tayo ng TRAIN!
Ito ang mapait na katotohanan ngayon lalo na sa buhay ng higit 60 milyong mga mahihirap na Pilipinong patuloy na umaasa sa bigas bilang pangunahing panlaman ng kanilang kumakalam na tiyan sa araw-araw.
Kung tutuusin, mauugat ang mga bagay na ito mula pa noong 1994 nang itinali ng ating mga lider ang presyo ng bigas sa pangkalahatang naisin ng World Trade Organization para sa malayang kalakalan. Mas ibinukas noon ang agrikultura ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado at nag-angkat ng mas maraming bigas sa kabila ng unti-unting panghihina sa sektor pang-agrikultura. Ginawa ito sa pag-iisip na magdudulot ng kaginhawaan ang importasyon, subalit tanging ang mga lokal at internasyonal na mga negosyante ang tunay na nakinabang. Kumita sila habang lalo tayong umaasa sa pag-angkat ng ating pagkain. Hindi na maitatanggi ngayong patuloy lamang ang ganitong kalakaran sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.
Samantala, dagdag na hapdi ang mabalitaang kailan lamang ay may higit 100,000 sako ng bigas-NFA na nakaimbak at nabubulok sa Subic Bay Freeport Zone. Malinaw na hindi nagagamit ang pampublikong pondo para sana sa pag-angkat ng bigas sa harap ng kakulangan sa suplay ng de-kalidad na bigas.
Sa kabuuan, lumalabas na walang epektibong kontrol sa produksyon, importasyon, at pagpepresyo ng bigas ang ating gobyerno. Banta pa ang pagpasa ng tarrification bill. Mismong Philippine Institute for Development Studies na ang nagsabi na talo ang ating mga magsasaka ditto.
Kailangang ituwid ang mga baluktot na patakarang ito! Direktang ayuda sa mga magsasaka at patatagin ang sektor ng agrikultura ang kailangan. Sa ganito natin matitiyak ang pagtaguyod sa karapatan ng mga konsyumer sa ligtas at sapat na pagkain.
Ayuda sa mga magsasaka!
Patatagin ang sektor ng agrikultura!
Sapat at de-kalidad na pagkain para sa lahat!