KONSYUMER-BOTANTE: AYAW NATIN SA TIWALI!
Isa sa bawat apat na botante ang nagsasabing hinahanap nila sa isang magiging Senador ang hindi tiwali o hindi “corrupt,” ayon ito sa isang survey ng Social Weather Stations na ginawa mula Disyembre 16 hanggang 19, 2018, kalahok ang 1,440 tao (1,363 sa mga ito ang rehistradong botante) at kinumisyon ng Stratbase, Inc., isang independiyenteng organisasyong nagsasagawa ng mga pananaliksik.
Pinakita ng survey na ang pinakanais makita ng botante sa isang Senador ay hindi siya corrupt o tiwali; ikalawa, na tumutulong siya o may malasakit sa mahihirap; at, ikatlo, na siya ay may magandang katangiang personal.
Tandaang ang bawat botante ay isang konsyumer. Sa ganang ito, binibigyang-diin ng BK3 ang halaga ng pagpili ng mga tamang kandidato, lalo na’t magmumula rin naman sa mga ito ang uupo sa posisyon at gagawa o magpapatupad ng mga patakarang makaaapekto sa buhay nating mga konsyumer-botante. Alalahanin natin, halimbawa na lamang, ang pagkakapasa sa TRAIN na nagmula sa dati nama’y mga kandidato pa lamang at nangangako magiging makatao.
Kung nakikita na naman nating kwestiyonable ang isang kandidato, bakit pa nga ba natin ito iboboto?
May magandang kasabihan nga sa Ingles: Politicians are like diapers: they should be changed often, and for the same reason. Sa Filipino, ang mga politiko ay gaya ng lampin, dapat silang palitang madalas at sa kaparehong kadahilanan.
Magkano na nga ba ang disposable lampin ngayon, mga konsyumer? Ang mga politiko, libre lang; lalo na pag eleksiyon, ikaw pa ang lalapitan at minsan may mga give-aways pa!
Ang problema, kapag nagkamali tayo ng pagpili, mismong buhay natin o ang kalidad ng buhay ng bayan ang nakataya. Tila bumili tayo ng isang bulok na pagkaing sisira sa ating tiyan at nakalalason.
Ayon sa isang ulat na lumabas noong 2014, aabot sa 19.34 trilyong piso (hindi lamang bilyun-bilyon!) ang kabuuang nawala mula taong 1960 hanggang 2011 sa kaban ng bayan dahil sa pangungurakot ng mga nasa posisyon. Ito ang epekto ng ating boto. Ito ang epekto ng pagsuporta sa mga tiwaling tao at binigyan ng kapangyarihan sa gobyerno.
Tama lamang na maghanap tayo ng kandidatong walang bahid ng katiwalian. Tayong mga botante-konsyumer ang pipili at bibili ng lampin. Bakit tayo bibili ng may dumi at dungis? Hindi basta nalalabhan ang integridad at pagtitiwala gaya ng puting tela ng lampin.