PAYABUNGIN PA ANG PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIPS

Magkasangga. Magkatuwang.

Iyan ang dalawang salitang Tagalog na makatutulong upang ilarawan o isalin itong tinatawag na public-private partnerships o PPP—na isang mukha ng malawak ng konsepto ng privatization o “pagsasapribado.”

Sa isang public-private partnership, magkatuwang o magkasosyo ang pamahalaan at isang pribadong grupo upang magserbisyo sa mga mamamayan hinggil sa isang usapin. Dito, magkasangga ang pamahalaan at pribadong sektor na humaharap sa isang hamon. Maaaring mahinog ang ganitong relasyon sa pagsasapribado ng isang serbisyong pampubliko.

Halimbawa na lamang, ang pagsasapribado ng serbisyong patubig na dating hawak ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) noong 1997 ay sinasabing nag-ayos ng problema sa patubig noon. Naging mas malawak ang sakop ng regular na sistema ng patubig at mas marami ang naserbisyuhan ng maayos.

Ang mga ganansiya natin sa pagsasapribado at PPPs ay hindi limitado sa usapin ng patubig. Ang lupang sakop ng Bonifacio Global City, na dating pag-aari ng gobyerno bilang kampo militar, ay isa na ngayong tampok na distritong pampinansya, lugar panlibangan, at halimbawa ng makabagong pamumuhay sa gitna ng Metro Manila. Ang Bonifacio Land Development Corporation ay nanalo sa isang bidding na ginanap noong 1995 upang mapaunlad ang nasabing lugar.

Nariyan rin ang iba pang modelo ng pagtutuwang ng pamahalaan at ng pribadong sektor (PPP man o direktang pagsasapribado): ang konstruksiyon at pagpapatakbo ng mga tollway na malapit nang maduktong mula Batangas hanggang Pangasinan; at, ang mga proyektong pang-enerhiya ng PSALM. Ang lahat ng ito ay nagbibigay ngayon ng mas mahusay at de-kalidad na serbisyong pampubliko sa milyun-milyong mga Pilipino araw-araw.

Kung may ganansiya naman tayong nakita at naranasan sa PPP o sa pagsasapribado, bakit hindi natin ito subukan? Kung ang serbisyong pampubliko naman ay maihahatid ng mas mahusay, mas responsable at walang pagkiling sa pamamagitan ng mga pampribadong ahensiya, bakit hindi natin payabungin pa?

Sa anu’t anoman, kung sumablay man ang isang pampribadong grupo sa gawaing pampubliko, nariyan pa rin naman ang pamahalaan upang makialam kung kinakailangan, para sa pagtatguyod ng interes ng karamihan o ng buong bayan at di-lamang ng iilan.

Sa huling paglilimi, mahalaga kung gayon na may mga nakatatag na mga pamantayan upang mapanatili ang kahusayan at pagiging produktibo ng isang serbisyso publiko. Diyan nakabatay ang isang matibay na pagiging magkatuwang, magkasangga.