Muling Pagkabuhay: Pag-asa mula sa ating Ugnayan!
Muling pagkabuhay ang mensahe ng pag-asa mula sa ating nakagawiang taunang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw. Ngayong taon, sa gitna ng isang pandemiko, ipinamamalas ng isang malawak na pag-uugnayan ng iba’t ibang grupo sa pribadong sektor ang katunayan ng pag-asang kawangis nito sa inaasahang muling pagkabuhay ng ating ekonomiya.
Mahigit sa 7.6 milyong pinakamahihirap na kababayan natin ang nakatanggap na ng suporta mula sa “Project Ugnayan,” ang pinakamalaki’t pinakamalawak na inisyatiba mula sa pribadong sektor na tumutulong sa mga komunidad na nasa-ilalim ng quarantine sa Luzon.
Sa pangunguna ng mga kilalang grupong pangnegosyong kabalikat ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF), ang Project Ugnayan ay malawak din ang naaabot sa tulong ng Caritas Manila, isang samahang pangsimbahan, at ng Simbahang Katoliko sa Archdiocese ng Maynila.
Kapuri-puri’t kahanga-hanga ang bilis at lawak ng pagtugon ng inisyatibang ito sa kagyat na kalagayan ng mga pinakanangangailangan sa atin. Kung maipagpapatuloy at maitataguyod pa ang ganitong klase ng matamang pagkilala sa lagay ng ating mga komunidad, naniniwala ang aming samahang Bantay Konsyumer, Kuryente at Kalsada (BK3) na tiyak ang muli at mabilis na pagkabuhay ng ating pambansang ekonomiya matapos ang pandemiko gaya ng binabanggit ng mga namumuno sa Project Ugnayan.
Bilang mga konsyumer at mamamayan, kinikilala natin ang kakayanan, lakas, at pagkamalikhain ng pribadong sektor, mga simbahan, at civil society groups—gaya ng pinamamalas sa Project Ugnayan—upang muling ibangon ang ating bansa sa krisis na dulot ng pandemiko.
Isang pasasalamat sa lahat ng mga frontliners natin at mga boluntir gaya ng mga nasa Project Ugnayan. Sa ating pag-uugnayan, tiyak ang muling pagkabuhay ng ating ekonomiya! Babangong muli ang ating bansa!
Louie Montemar
Convenor
Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente