Pahayag at Panawagan ng BK3: MURANG KURYENTE, NGAYON NA!
Pahayag at Panawagan ng BK3: MURANG KURYENTE, NGAYON NA!
Sinusuportahan ng Bantay Konsyumer, Kalsada, at Kuryente (BK3) ang lahat ng inisyatiba ng mga mamamayan ngayon na nagtutulak sa mas makaluluwag na paniningil sa mga konsyumer lalo na sa ganap ng kasalukyang pandemiko.
Isang partikular na usaping kailangang patingkaring muli kaugnay nito ang hinggil sa mga probisyon ng bagong batas para sa murang kuryente.
Nang malagdaan bilang batas noong Agosto 8, 2019 ang Republic Act No. 11371 o ang “Murang Kuryente Act,” itinakda nito na malaking bahagi ng pondo mula sa kinita ng Malampaya gas reserves ang magagamit bilang pambayad para sa mga naging utang o kakapusan ng National Power Corporation gaya ng mga tinatawag na stranded debts (SD) at stranded contract costs (SCC) sa pag-aasikaso nito ng mga nakaraang proyektong pang-enerhiya.
Nobyembre 27, 2019, 90 araw mula sa pagsasabisa ng batas, dapat ay naitakda na ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng nasabing batas para sa tuluyang papapatupad nito. Sa naging IRR, ang nililikom na dating Universal Charge na para sana sa SCC at SD ay sasaluhin na ng pondong mula sa Malampaya.
Malinaw na nais ng batas na walang bagong Universal Charge na sisingilin pa mula sa ating mga konsyumer para sa SCC at SD. Malinaw na ang hangarin ng batas ay alisin ang Universal Charge para sa SCC at SD nan lumalabas sa electric bill ng mga mamimili.
Dapat alalahaning ang Malampaya Fund ay nagmula sa bayad ng consyumer ng kuryente sa mga power plant gamit ang Malampaya Natural Gas. Makatwiran lamang na tayong mga konsyumer ang makinabang sa Malampaya Fund.
Tinakda sa IRR ng batas ang mga sumusunod na probisyon:
- Walang bagong Universal Charge para sa SCC at SD ang makokolekta sa bisa ng IRR
- Ang PSALM ay hindi dapat maghain ng anumang bagong petisyon sa ERC hanggang ang P208 Bilyon mula sa Malampaya ay maubos at walang ibang mga paglalaan na ginawa ng Kongreso
- Ang taunang paglalaan mula sa pondo ng Malampaya para sa pagbabayad ng SCC at SD, kasama ang mga Anticipated Shortfalls ay dapat isama sa General Appropriations Act (GAA)
Itinakda din ng IRR na ang taunang halagang aaprubahan ng Board ng PSALM ay dapat batay sa inaasahang daloy ng cash ng PSALM, kasama ang anumang SCC (at ang kaugnay na gastos sa paghiram) at SD na hindi na mababawi mula sa anumang petisyong nakasalang sa ERC.
Iyon nga lamang hindi naisama sa IRR ang probisyon sa batas na nagpapahintulot sa umiiral na Universal Charge para sa SCC at SD na maisasama sa inilalaan na halaga mula sa pondo ng Malampaya.
NAPAKALINAW na sa Murang Kuryente Act, ang umiiral na Universal Charge para sa SD at SCC ay dapat alisin mula sa electric billing. Para kay Sen. Gatchalian at iba pang mga may-akda ng panukalang batas, ang hangarin ay magbigay ng agarang kaluwagan sa mga mamimili ng kuryente sa pamamagitan ng mas mababang singil. Dapat ibasura ng ERC ang lahat ng nakabinbing mga petisyon ng UC-SCC at UC-SD ng PSALM, upang matiyak na wala ng paniningil para sa mga SCC / SD.
Nananawagan ang BK3 na dapat isapubliko ang lahat ng mga ulat sa pagpapatupad ng batas para sa murang kuryente. Kailangangan ito upang matiyak ang maayos na paggamit ng P208 Bilyong pondo mula sa mamamayan.