Patibayin ang Ugnayan ng Pampubliko at Pribadong Sektor 

Pahayag ng BK3: 

Patibayin ang Ugnayan ng Pampubliko at Pribadong sektor 

 

              Lumuhod na ang ating ekonomiya. Ang mga dukha ay nakadapa at gumagapang na lamang.  Sagad na ang pagtitiis ng lahat subalit kapansin-pansin na sa kabila ng paghihirap, napakarami nating mga pampribadong grupo — mga citizens’ volunteer groups, non-governmental organizations, community-based asociations, faith-based organizations, pati na nga mga business corporations — na tumutulong sa pagbibigay ayuda sa ating mga mamamayan mula simulan ang mga quarantine sa bansa.

 

Mula pamumudmod ng mga PPE at pagkain sa mga frontliners; pag-aayos, pagdidisenyo, at pagtatayo ng mga imprastrukturang pangkalusugan; hanggang sa pamimigay ng ayudang pondo sa pinakamahihirap nating mga kababayan, nakasuporta ang iba’t ibang volunteers sa pamahalaan.

 

Sa kabilang banda, naging maligamgam pa nga ang pagtanggap at kapos ang pagkilala ng pamahalaan sa marami sa mga volunteer efforts na ito.  Higit sa lahat, tila ngayon lamang lubos na ikinakasa ang mga susing gawain para lalong labanan ang pandemya.  Halimbawa, nariyan ang kakatatag lamang itinatag na Taskforce T3 (Test, Trace, Treat) na naglalayong mapalakas ang kapasidad natin sa testing mula sa average na 3000 hanggang sa 30,000 bawat araw. Mahalaga ang impormasyong makukuha mula rito para sa ating pamamahala sa kasalukuyang krisis pangkalusugan.

 

Lubos naming sinusuportahan sa BK3 ang Task Force T3 lalo na dahil dito ay makikita na naman ang isang halimbawa ng pagtutulungan ng mga pampubliko at pribadong grupo. Nariyan ang Asian Development Bank, Philippine Red Cross, Philippine Disaster Resilience Foundation, ang Ayala group na pinangunahan ng AC Health, at ang Metro Pacific (MPIC) Hospital Group at Unilab.

 

Ngayon, upang mapabangong muli ang ekonomiya, marahil ay mas malinaw na sa marami ang pagtatambalan ng gobyerno at ng pribadong sektor sa pagbubuo at pagpapagana ng mga patakaran at pagpapatibay sa mga regulasyong magpapayabong sa mga insentibo upang maakit ang mga namumuhunan at buhayin ang lahat ng mga negosyo, maliliit man o malaki.

 

Hindi rin dapat kalimutan na ang isang malaking aral mula sa krisis na ito ang halaga ng pag-aayos at pagtutok sa ating sistemang pangkalusugan.  Kailangang siguraduhin ang pamumuhunan natin sa sistemang pangkalusugan.

 

Sa lahat ng ito, dapat manguna ang gobyerno sa pagtahak sa isang “new normal” at maging disiplinadong katuwang ng pribadong sektor upang mapalago ang ating ekonomiya at sistemang pangkalusugan.

 

Nakadidismaya lamang na ang isa sa mga nauunang panukala ng iba sa pamahalaan ay ang itaas ang buwis nang mabawi daw ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa krisis na ito. Matinding dagok lamang ito sa nakadapa na nating mga negosyo at konsyumer. Ang dapat unahin natin ay ang pagtulong sa mga negosyo, lalo na ang maliliit, upang agad silang makabawi. Sa trabahong likha nila ay magkaroon ng sapat na kabuhayan ang ating mga konsyumer.

 

Isa pa, maaaring ayusin ng pamahalaan ang Public Private Partnership (PPP) bilang isang diskarte para sa mga proyektong Build Build Build. Malaki ang mababawas na gastos kung PPP ang gagamitin sa pagbangon ng ekonomiya.

 

Nanawagan ang BK3 para sa isang malinaw, kolaboratib, at synergistic na ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor tungo sa paghuhubog ng isang makatao, makabansa, at makakalikasang lipunan!