Kalinawan sa bayad sa kuryente. Tapat lang, walang labis walang kulang

Nitong Hunyo 2020 ay marami sa atin ang nagulat sa taas ng babayarin sa kuryente. May ilan sa atin ang nalito kung papaano umabot sa ganong kataas na bill sa kuryente. Ito’y inabot pa ng katakut-takot na reklamo dahil sa pananaw ng iba ang nasabing bill ay lubhang malaki sa kanilang inaasahan at di katanggap-tanggap.

Ito’y bagay na hindi katakataka dahil ang saklaw ng bill na ito ay simula pa ng magdeklara ng lockdown noong Marso hanggang Hunyo 2020. Kung ating iisipin ay patung-patong na bill sa kuryente sa loob ng apat na buwan. Lahat tayo a namalagi sa loob ng ating tahanan at hindi maiwsan ang paggamit ng iba’t-ibang kasangkapang tumatakbo sa kuryente. Idagdag pa diyan ang matinding init ng panahon na tiyak ang babarang paggamit ng aircon o electric fan ng buong pamilya.

Pinaliwanag ng Meralco na ngayong Hunyo makakatangap na tayo ng panibagong komputasyon ng konsumo batay na sa pagbasa ng ating mga metro ng kuryente. Simple lang pag-suri dito. Tingnan lang ang ating basa ng metro sa huling singil bago mag-lockdown at ang bagong basa ngayong buwan.

Nalito tayo dahil sa “estimated consumption” noong nakatanggap tayo ng singil noong Mayo.Ito ay sa pagpapatupad sa mandato ng ERC. Medyo nagkulang rin sa komunikasyon pero dahil iba ang talagang mas mababa ang konsumo natin noong may kalamigan ang panahon, magugulat pa rin tayo. Kung iisispin natin, kung pinayagan magbasa ng metro ang mga tauhan ng Meralco kahit may lockdown, wala na sanang problema.

Mabuti naman at may simpleng solusyon ang Meralco na pinayagan na ng ERC. Pwede na nating hulugan ang naipon na konsumo sa loob ng anim na buwan kapag mababa sa 200 KWH ang konsumo. Kung mas mataas, Pwede hanggang apat na buwan at ¼ ng konsumo sa buwan ng Hunyo ang unang babayaran. Kung nalilito ka pa rin, humingi ng tuong sa mga tanggapan ng Meralco at dapat malinaw nila kaying masasagot. Nangako rin ang Meralco na magiging maunawain sila sa mga konsyumer.

Hindi tama ang ilang panawagang huwag na lang bayaran ang mga buwan ng lockdown. Katulad ng kahit anong kalakal, kapag naibigay na sa iyo ang serbisyo o kaya produkto, bilang konsyumer responsabilidad natin magbayad ng tapat na presyo katulad ng dapat matanggap natin ang sweldo sa tamang panahon pagkatapos natin magawa ang ating mga tungkulin sa trabaho.

Sa nangyaring lockdown ay dapat bigyan pansin natin pag-aralan at suriin ang pagpapalit ng mas modernong metro sa pamamagitan ng Smart Meter na tutugon sa ganitong sitwasyon. Ito’y magbibigay ng mas detalyado at aktwal na konsumo ng kuryente na magpapadali sa pag-unawa pabor sa mga konsyumer. Sa pamamagitan nito ay di na mauulit ang ganitong kalituhan.

Bilang konsyumer, dapat lang na tapat ang singil ng kuryente. Kailangan natin ang kuryente. Ang industriya ng kuyente ay may obligasyong siguruhin tuloy-tuloy ang serbisyo at mapababa ang presyo ng kuryente lalo na as mahirap na panahong ito. Maging tapat ang mga power generators at distribution utilities sa serbisyo at magigng tapat rin ang mga konsyumer sa pagbayad.

Maging tapat lang tayo sa isa’t isa. Walang gulangan. Bayaran lang ang tapat sa metro ng kuryente. Walang labis, walang kulang.