MALAWAKANG KAWALAN NG TRABAHO SA PANAHON NG PANDEMYA

MALAWAKANG KAWALAN NG TRABAHO SA PANAHON NG PANDEMYA 

 

Isang manhid na pahayag ang di natin inaasahan sa Tagapagsalita ng Pangulo ng Pilipinas na si Kalihim Harry Roque. Nangyari ang pahayag nito kaugnay ng lumabas na survey na mahigit 27 milyong Pilipino ang nawala ng trabaho sa panahon ng kinakaharap nating pandemya. Sa halip na mabahala, si G. Roque ay nagalak pa na hindi daw ang buong populasyon ang nawalan ng trabaho. Isa-alang din natin na malaking bahagi ng nawalan ng trabaho ay posibleng bahagi ng pinakamahirap na sektor ng lipunan.

 

Hindi po ito usapin na mas marami pa din ang may trabaho kaysa sa wala. Ito ay usapin ng bawat Pilipinong walang trabaho o kabuhayan na walang maihahain sapat at masustansyang pagkain sa kanilang pamilya. Lubhang mapanganib ang sitwasyon ng kawalan ng trabaho dahil ito’y usapin na malapit sa sikmura na anumang oras kumalam ang sikmura ay maaaring magtulak ito ng gawaing masama na hindi katanggap-tanggap. Ang kawalan ng trabaho o kabuhayan ay may kaugnayan din sa katayuan ng negosyo. Ito ay nangangahulugan ng pagbagsak ng ating ekonomiya.

 

Panawagan natin sa ating pamahalaan ay kailangang gawin prayoridad na matugunan ito ng isang napapanahon at kongkretong lunas at hindi lang pamatid-gutom lamang. Huwag po nating ipagsawalang bahala ang kanilang kalagayan at tanggapin natin lahat kung paano tayo magsisimula sa isang bagong normal.

 

Magtulung-tulong ang mga Manggagawang Pilipino at mga Negosyante para sa muling pagbangon ng ating ekonomiya.