Teknolohiya at Telekomunikasyon sa gitna ng Pandemya 

Mahigit isang linggo na ang nakakaraan, kinilala ng BK3 ang makasaysayang pagkamit ng Pilipinas sa ika-50ng pwesto sa Global Innovation Index (Cornell University, INSEAD at World Intellectual Property Organization).

Ang nasabing pag-abante ng ating bansa ay nangangahulugan din na nakikita ng ating gobyerno ang kahalagahan ng digital transformation at ang pagtatayo ng kaakibat na digital infrastructure.

Mas nagiging katangi-tangi ang papel ng teknolohiya at telekomunikasyon sa panahong ito ng pandemya upang harapin ang mga hamon ng krisis. Kitang-kita natin ang paggamit ng ating mga kababayan ng digital solutions upang maibsan at gawing maginhawa ang pamumuhay sa ilalim ng krisis.

Gayunpaman, ang ating industriya ng telekomunikasyon ay makakabwelo lamang kung may sapat at kaukulang pamumuhunan mula sa publiko at pribadong sektor. Kaalinsabay naman nito ang pagkakaroon ng sapat na imprastuktura.

Kaugnay nito, isang tampok na usapin ang dayuhang pagmamay-ari sa mga kompanya ng telekomunikasyon. Sa isang banda, hindi ang pagmamay-ari ang problema sa pagpapaunlad ng ating telekomunikasyon. Kung pamumuhunan ang ating kailangan tungo sa pag-unlad, narararapat lang gawan ng paraan upang higit tayong maging kaakit-akit sa mata ng mga lokal at dayuhang namumuhunan.

Sa kabiliang banda naman, dapat nating masusing piliin kung sino ang namumuhunan. Sa puntong ito, malinaw ang intensyon ng China Telecom na pasukin ang ating pambansang sistema ng komunikasyon.

Ayon kay dating Senior Associate Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema at batay sa kanyang paglalahad sa katatapos lamang na webinar ng Philippine Bar Association Talks (Telco Tales), ang telekomunikasyon ay likas na public utility. Batay dito, ang publiko o ang mamamayang Pilipino ang kailangang pagsilbihan at hindi ang dayuhang China Telecom.

Dagdag dito, sinabi rin ni Justice Carpio na “bilang isang kompanyang pag-aari ng gobyerno, ang China Telecom ayon sa kanilang bataas ay kailangang makipagtulungan sa state intelligence of China.” Sa esensya, “hinahayaan nating magtayo ng telecom equipment ang Tsina, samantalang inaangkin nito ang ating maritime zone… di natin ito nararanasan sa Globe at PLDT… Kakaiba ang usapin sa DITO at China Telecom kung kaya’t dapat lang mag-ingat tayong mabuti… sa pakikipaglaban upang mapanatili ang ating teritoryo at martime zone na pinanghihimasukan at inaangkin ng Tsina.”

Sa panig naman ni Atty. Marlon Tonson (Director and Founding Member) ng Tagapagtanggol ng Watawat, ang expropriation o pagkuha sa mga pribadong kompanya para sa pampublikong gamit ay nakasaad sa Konstitusyon. Subalit kaakibat ng mandatong ito ang pagtulong sa kapabilidad ng mga Pilipinong kompanya. Susog sa sa Artikulo 16, Seksyon 10, isinaad nya na “it mandates the regulatory environment for communication structures… It requires government to setup regulatory system for the emergence of communication structures that would help Filipino capability. Take note, Filipino capability.”

Kung gayon, kahina-hinala ang aksyon at pananalita ng ating presidente. Sa halip na isalugar ng gobyerno ang mga patakaran, reglamento, at imprastruktura upang pag-ibayuhin ang serbisyo ng Globe at Smart, tinatakot nya ang mga ito habang nakaabang naman ang China Telecom na nakahandang sunggaban ang oportunidad.

Nananawagan ang BK3 na sa pagkakataong ito ay magkaalinsabay na tugunan ng ating gobyerno ang interes ng mga Pilipino at ang pagiging bukas sa mga dayuhang namumuhunan na may malinis na hangarin sa ating bansa.

Kung kaya’t kailangan nating higit na dapat pagtuunan ng pansin ang mga umiiral na digital infrastructure at paunlarin ang mga ito. Susi rin sa pagpapabilis ng pagtatayo ng digital infrastructure ay ang pagbaklas sa mga bureaucratic barrier o red tape, kung saan ay tampok ang responsibilidad ng mga lokal at pambansang sangay ng ating gobyerno. Ito ang magiging saligan ng maunlad at mabilis na telecommunication at broadband services.

Muli, habang lubos na sumasang-ayon ang BK3 sa ibayong pagpapaunlad ng ating imprastruktura ng telekomunikasyon at sa pag-angkop sa digital technology, gusto rin nitong ipaalala na hindi dapat kailanman isakripisyo ang seguridad ng ating lipunan at sistema ng pamamahala upang mapagbigyan ang dayuhang China Telecom.

Dapat panindigan ng ating gobyerno ang pagtataguyod at pagpapairal sa batas!

Ngayon din natin kailangan ang maigting na pagtutulungan sa pagitan ng publiko at pribadong sektor upang patuloy na dumaloy ang ekonomya, pamumuhunan, at negosyo. At sa proseso ay makalikha ng trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng digital solutions at accelerated digital transformation.