Wasto at Napapanahong Impormasyon sa Halalang 2022
Sa katatapos pa lamang na webinar, tumimo sa BK3 ang kahalagahan ng pagkakaroon ng totoong impormasyon di lamang sa gitna ng pandemya kundi lalo pa sa panahon ng eleksyon.
Ang naturang webinar na tinaguriang “Democracy Goes On: Elections and Electoral Continuity Post-COVID-19” at inilunsad noong Oktubre 27. Kinatampukan ito ng mga piling tagapagsalita mula sa Estados Unidos (U.S.) at Estonia. Ang ikalawang sesyon naman ay kinatawan ng mga Pilipinong opisyal mula sa pamahalaan, akademya, at NGO.
Isang taon mula ngayon, magsisimula nang magsumite ang mga kandidato ng kanilang kandidatura para sa taong 2022. Subalit paano magkakaroon ng maayos at mahusay na pagboto ang mga tao kung laganap ang mga tiwaling impormasyon?
Sa isang virtual town hall discussion ng Stratbase ADR Institute, Nagbabala si Penny Lee (Ugnayang Pampubliko, Komentarista, at Tagasuri), na ang U.S. at ang Pilipinas ay kapwa humaharap sa problemang dulot ng mga mali at pekeng impormasyon. Inilahad niya ang matinding panganib at pangamba sa mga tao kung paanong ang impormasyon tungkol sa kanila ay maaaring baguhin, manipulahin, at tipunin para sa ibang hangarin at layunin.
Tulad ni Bb. Lee, ang BK3 ay naninindigan rin para sa malayang impormasyon at sa lipunang may malayang proseso. At sa pagkakaroon at pananaig ng mga mali at pekeng impormasyon, ang Karapatan at Kalayaan nating lahat ay patuloy na niyuyurakan.
Totoong nalalagay tayo sa alanganing posisyon dahil sa pangmatagalang epekto ng pandemya. Subalit tumagal man hanggang sa Halalang Mayo 9, 2022, malinaw ang pahayag ng LENTE (Legal Network for Truthful Elections) na kailangang itong matuloy. Ibig sabihin, di dapat magkaroon ng kung anu-anong palusot o kadahilanan ang ating gobyerno upang ipagpaliban ang demokratikong proseso.
Binigyang pansin din ni Atty. Rona Ann V. Caritos (Punong Tagapagpaganap ng LENTE) ang kahalagahan ng impormasyon. Kaugnay nito, isa sa mga panukalang batas ng LENTE ay ang “Disinformation & Elections (Anti-Troll Bill & Code of Conduct).” Ang panuklang ito ay para sa mga PR firms at mga indibidwal na lumalahok sa propagandang politikal.
Lubos na sumasang-ayon ang BK3 sa pagkakaroon ng ganitong batas dahil kailangang talagang padaanin sa mahigpit na regulasyon ang pagpapadaloy at paggamit ng impormasyon, maging personal, pribado o publiko man ang mga ito.
Labanan natin ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Gamitin ang teknolohiya ng social media sa pagsulong ng kaunlaran at kabutihan ng lahat ng sambayanan. Huwag nating hayaang makapagtanim ng kasamaan sa isip at damdamin ng mamayang Pilipino.