Makabuluhang Kolaborasyon

Sa ikawalong buwan ng “lockdown” at sa pagtindi ng epekto ng pandemya sa ating ekonomiya, higit na nagiging malinaw ang diwa ng “Bayanihan” at “Ugnayan” upang maibsan ang mga paghihirap at makabangon mula sa krisis. Lalo pa’t kadadaan pa lang ng dalawang malalakas na bagyong sumalanta sa kabuhayan at ari-arian ng ating mamamayan.

 

Subalit sino ang dapat na magtulungan at magdamayan sa gitna ng pandemya at kasalukuyang paghihirap?

 

Ayon sa katatapos lamang na online forum ng Stratbase ADR Institute, pinamagatang “Pilipinas Conference Session 5: The Key Role of the Business Sector in Economic Recovery,” umiigting ang panawagan para sa multi-sektoral na ugnayan at pagtutulungan.

 

Sinabi ni G. Jaime Augusto Zobel de Ayala (Chairman at CEO ng Ayala Corporation) na katangi-tangi ang pagtitipong ang ganitong mga dayalogo ng iba’t ibang sektor at industriya. Hinikayat din niya ang pribadong sector na maging progresibo sa pag-angkop sa kalagayan ng pandemya at sa kaayusang “new normal.” Higit sa lahat, isinulong niya na kailangan ipagpatuloy ng pribadong sektor ang paglikha at pagbibigay ng trabaho sa ating mga mamamayan.

 

Lubos ang pagsang-ayon at pagsuporta ng BK3 sa mga lider negosyante na nagpakita ng pagmamalasakit at kumilos para tulong ang ating bayan ngayong panahon ng pandemiya. Kailangan natin ang lakas ng pribadong sector upang makabangon sa krisis at tuluy-tuloy ang pag-unlad.

 

Tama lang na pasalamatan ang mabilis at mabisang pagkilos ng mga pangunahing grupo ng negosyante sa pagtugon sa mga pangangailangan at paghihirap ng ating mamamayan na ngayo’s pinahihirapan ng pandemya at mga malaking sakuna tulad ng mga nakaraang bagyo.

 

Kailangan na palakasin pa ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagbangon ng ekonomiya.

 

Ito ay panahon ng pagtutulungan at hindi ng pag-aawayan at paninira. Tandaan, ang pribadong sektor ang subok na kabalikat ng gobyerno sa pag-akit ng mga puhunan, at sa paglikha at pagbibigay ng mga trabaho at pagkakakitaan sa lipunan.

 

Mabuhay ang tunay na diwa ng “Bayanihan” at “Ugnayan”!