Masyadong maraming sikreto sa pagbili ng bakuna

Masyadong maraming sikreto sa pagbili ng bakuna
May isang taon na po ang pandemiya subalit kapos ang aming nadarama na maayos at sustenidong pag-aruga mula sa mga dapat a namununo sa bansa.
Mabuti pa nga ang mga lokal na pamahalaan mga NGOs at iba ang pampribado o boluntaryong samahan pati na ang mga simbahan, mas nararamdaman ang kanilang malasakit at nakapagbibigay pag-asa.
Mula sa pambansang pamunuan, ang aming naririnig ay pagpapalaki ng utang ng bayan at mga pangakong walang katuparan. Sa mga balita, ang tampok ay mga krimen at pamumulitika.
Ang bakuna, nakaklito at nakakapikon na ang usapin kung magkano ba talaga ang halaga nito. Lumabo na nang lumabo ang usapin sa bakuna lalo na dahil sa pabago-bago at nagbabanggaang salita ng mga nanunungkulan. Masyadong maraming sikreto. Di ba kami ring ordinaryong Pilipino ang magbabayad sa mga utang ng gobyerno galing sa buwis na iluluwal namin?
Ano ba talaga ang nagpapabagal sa paglabas ng bakuna? Nais namin ay isang maayos, malinaw, at makataong plano para sa pagbabakuna sa pinakamaraming maaabot na bilang ng ating mga mamamayan — isang planong walang tinatago at libreng bakuna para sa aming hirap na bumili ng pagkain sa araw-araw.
Unahin ang kalusugan ng mamamayan sapagkat dito nakasalalay ang pag-ahon ng ating ekonomiya, talagang buhay ang pinag-uusapan. Labanan ang pandemiya!