Dapat lamang ang mahigpit, tapat, at walang palakasang bidding ng kuryente!

Sa ngayon, may pangangailangan ang Meralco ng karagdagang supply ng kuryente na aabot sa 1,800 megawatts sa parating na 20 taon.
May nakalatag namang proseso ang mga DU para sa pagpili kung sino o sinu-sino ang kukunan nila ng supply ng kuryente at tinatawag itong “Competitive Selection Process.” O CSP. Sa simpleng pagsasalin, ang CSP ay proseso ng bidding upang mas makapili ang isang DU ng pinaka mababang presyo ng kuryente mula sa mga karapat-dapat na supplier.
Ang prosesong ito ay minamatyagan ng kinatawan ng Department of Energy (DOE) at ang resulta nitong proseso ay dumadaan pa sa pagsusuri ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang matiyak ang isang patas at maayos na pagpapatupad ng CSP para sa interes ng mga konsyumer.
Nitong nakaraang Disyembere 2020 lamang, dinaos ang isang CSP para sa 1,800 megawatts na kailangan natin. Siyam (9) na kumpanya ang naulat na sumali. Sa kalaunan, tatlo sa mga kumpanya ang naiulat na na-disqualify dahil may kakulangan o labag sa mga kondisyon ng dinaraos na CSP.
Isa sa mga ito ay, isang kumpanyang Tsino na nagpaplanong magbukas ng isang coal-fired electric plant sa bansa. May malaking problema dito dahil pinairal kamakailan ng DOE ang isang moratorium o pansamantalng pagtigil ng pagtatayo ng bagong coal-fired power plant upang mabawasan ang polusyon mula sa usok ng mga ito. Ang mga coal-fired plant kasi ay malaking volume ng polusyon ang nililikha. Kung tutuusin, talagang nasa interes ng lahat ang nasabing diskwalipikasyon. Ang mga coal-plant na magu-umpisa na ang operasyon ang pinapayagan sa ngayon.
Kung sakaling matuloy ang proyektong ito, ang Tsina ay magkakaroon na ng pagaari sa ating mga kritikal na imprastrakturang telekomunikasyon, transmission, at pati na ang suplay ng kuryente.
Dapat tayong mabahala. Hindi maiiwasan sumama sa usaping ito ang isa na namang banta ng Tsina dahil sa bagong batas na binibigyang pahintulot ang kanilang mga coast guard na paputukan ang kung sino-mang nanghihimasok sa sinasakop nilang isla sa South China Sea at pati sa ating teritoryo sa West Philippines Sea. Malaking banta ito sa ating mga maliliit na mangigisda at pati na sa ating sandatahang pang-dagat. Malaking banta rin ito sa katahimikan ng buong rehiyong South East Asia. Sa matagal nang astang pananakot at pagpapalawak ng kanilang teritoryo at lumalalang militarisasyon sa karagatan, malinaw na ginogoyo lang tayo upang makamit lang ang kanilang tuluyang dominasyon ng rehiyon. Bakit ba tayo magtitiwala sa kanila?
Siguradong maghahain ng protesta ang mga na-disqualify na kompanya. Walang problema doon. Ang mahalaga ay maging mahigpit at bukas sa publiko ang proseso ng CSP at higit sa lahat, walang palakasan!
Ang BK3 ay naniniwalang ang proseso ng CSP ay dapat maging patas at sumusunod sa mga umiiral na alituntunin ng DOE at ERC. Mahalaga ang maging matagumpay ang CSP na ito upang ang pinkamababang presyo at pinaka kwalipikadong kumpanya ang mabigyan ng mahalagang tungkulin na ito. Kailangang may sapat na kuryente ang buong bansa upang muling bumangon ang ating ekonomiya.