PAHAYAG NG BK3 HINGGIL SA NO DISCONNECTION ACTIVITY
Kamakailan lamang ay muling nabalik sa ECQ Lockdown (pinakamahigpit) ang buong NCR at maging ang mga karatig na mga lalawigan. Sa kasalukuyan, ang mga nabanggit na lugar ay nasa MECQ Lockdown na nangangahulugan na marami pa rin ang di pa nakakabalik sa paghahanapbuhay o trabaho. Marami pa rin ang naghahabol ng kita para sa pang-araw-araw na gastusin at totoong kapos na rin ang mabibigay na ayuda ng gobyerno.
Pinahayag ng maraming grupo ang babala na baka maulit ang dating kaguluhan sa pagbayad ng kuryente kung saan nagkaroon ng “bill shock” dahil hindi nabasa ng mga tauhan ng Meralco at iba pang Distribution Utility (DU) ang mga metro bilang pagsunod sa polisiya ng ECQ. Mabuti na lang at hindi na ito mangyayari dahil tuloy ang pagbasa ng mga metro ng kuryente para hindi matambakan ng utang ang mga konsyumer.
Mabuti na rin at hindi na muna magpupUtol ng serbisyo ng kuryente ang Meralco sa kanilang mga kostumer na nabigyang na “Notice of Disconnection.” Nagbigay ang Meralco ng panibagong palugit hanggang ika-30 ng Abril 2021. Ilang beses na nila ginawa ito at sinabing wala sa prayoridad nila ang magputol ng serbisyo. Sana’y tularan rin ng ibang DU ang pansamantalang palugit sa kanilang naghihirap na kostumer.
Ngayong merong panibagong palugit, para maiwasan ang matambakan na naman ng utang ay dapat lang na maging responsable rin tayong mga konsyumer at bayaran ng tama ang ating nakonsumo, maging kuryente, tubig, o anuman serbisyo. Ngayong tag-init ay dapat tayong maging masinop sa paggamit ng kuryente. Huwag maging maaksaya.
May mga panawagan ring imbestigahan ang sabay-sabay na pagtigil operasyon ng ilang power plant generators. Batay sa datos ng IEMOP, kapansin-pansin ito at nakakabahala dahil nangyari na ang grabeng pagtaas ng presyo ng kuryente at nagkaroon ng maraming brown-out dahil sa sobrang dami ang sabi daw na “nasirang” power plant at sabay-sabay pa.
Nananawagan ang BK3 na imbestigahan ng ERC ang mga power plant na ito at mahigpit na bantayan ang tunay na dahilan ng pagtigil ng kanilang operasyon.
MAGING RESPONSABLE TAYO SA ISA’T ISA!