Maging masinop at mapanuri sa paghawak ng pera ng taumbayan!

Noong katapusan ng Abril, inilahad ng Bureau of the Treasury(BTr) na pumalo na sa 10.991 trilyong piso ang utang ng Pilipinas. Dulot daw ito ng kaliwa’t kanang pangungutang ng gobyerno para matugunan ang mga problemang dala ng pandemiya. Subalit, sana naman ay magdahan-dahan ang gobyerno at suriing mabuti kung papaano ito mababayaran. Wala naman kasing ibang sasalo nito kundi ang naghihirap na nating mamamayan na tagabayad ng buwis lalo na’t ayon sa Philippines Statistics Authority, hindi bumaba ang 4.5% inflation rate ng bansa nung buwan ng Mayo.

Nananawagan ang BK3 na talagang pagtuunan ng pansin at tutukan ang paglutas ng mga suliraning dulot ng pandemiya at ‘wag na munang pagkaabalahan ang hindi ganoon kaimportanteng mga proyekto. Kailangan ding kumpletong i-ulat ng gobyerno kung saan ginagastos ang bilyun-bilyong piso na inutang. Wag na sana nating dagdagan pa ang paghihirap ng masang Pilipino! Maging masinop at mapanuri sa paghawak ng pera ng taumbayan!