Digital na paghahanda para sa mga Konsyumer
Simula ng pandemya, naging laganap ang pang-araw-araw na paggamit ng teknolohiyang digital—ang online na pag-aaral, pagbebenta at pagbili, at pagtatrabaho ay naging pangkaraniwan.
Kung gayon, nararapat lamang na magkaroon ang mga mamamayan ng kapasidad at kasanayan sa larangang digital.
Kung kaya’t sang-ayon ang BK3 sa mga programa at proyekto ng DICT na naglalayong bigyan ng digital na kaalaman at kasanayan ang mga mamamayan at paunlarin ang kanilang kakayahang gumamit ng teknolohiyang digital.
Halimbawa nito ay ang mga inisyatiba tulad ng National Broadband Program, Free Wi-Fi for All Program, Common Tower Initiative, ang Digital Learners and Teachers Project ng DepEd, ICT Academy Project, at ang educational portal ng DICT.
Pumapailalim rin sa mga programang ito ang pangunahing layunin na magkaroon ng malakas na internet signal sa mga lokalidad at sentrong kalunsuran. Susi naman sa pagkakaroon ng malakas at maasahang internet signal ay ang pagtatayo ng mga imprastruktura tulad ng telecommunications towers at fiber-optic networks.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, kalahok ang mga institusyong pang-edukasyon, ang mga guro at mag-aaral, ang mga mamamayan, at iba pang telco players lalawak at tataas ang antas ng galing ng mga Pilipino at kahandaang makipagsapalaran sa digital na ekonomiya.
Lubos ding sumusuporta ang BK3 sa mga adhikaing digital ng DICT dahil sa suma tutal, ang tuwirang makikinabang ay ang mga sambahayang konsyumer. Di lamang dagdag na kaalaman at kasanayan kundi dagdag rin na kita at ikakabuhay ang magiging biyaya para sa lahat.Lubos din ang pag-anyaya ng BK3 sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon, publiko man o pribado, na samantalahin ang mga programa at inisyatibang digital ng DICT.
Nais ring ipanawagan ng BK3 sa ating pambansang gobyerno ang paglalaan ng sapat na pondo sa mga nabanggit na programa ng DICT upang matiyak ang digital na kahandaan ng bansa, lalona para sa mga institusyong pang-edukasyon.