Alalahanin ang Aral ng kasaysayan sa Ilalim ng Diktadurya
Kalahating dekada na mula ng ipataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar sa buong bansa noong taong 1972 subalit nanatili pa rin ang pagtangis ng bayan at buhay na buhay ang hapding dinulot ng diktadura sapagkat namamayagpag pa rin ang mga dapat direktang managot at ang kanilang mga crony. Hindi pa rin nababawi ang kabuuang ninakaw na yaman ng bayan, wala pa ring katarungang natatanggap ang maraming nakaranas ng pang-aabuso at karahasan!
Isa sa pinakamalinaw na tanda ng deka-dekadang kawalang katarungan kaugnay ng Batas Militar noon ang lagay ng kaso ni Imelda Marcos!
Noon pa mang 2014, nagdesisyon na ang Sandiganbayan na dapat ikulong ang kakuntsaba at asawa ng diktador na si Imelda Marcos dahil sa pitong kaso ng matinding katiwalian. Maliban pa rito, nabawi na ng PCGG mula sa mga Marcos at kanilang mga kasapakat ang higit sa tatlong daang milyong pisong nakulimbat na yaman ng bayan at naisauli na ito sa kaban ng bayan. Bahagi pa nga lamang ito ng tinatantiyang aabot sa hanggang 30 bilyong dolyar na natamasa ng mga Marcos sa kabuuang panahong naupo sa palasyo ang diktador.
Napakapait at nakadidismayang lubos ang patuloy na namamayagpag ang mga Marcos at naupo pa muli sa pwesto!
Tama na, bayan! Tama na ang kasinungalingan at panlilinlang! Imulat ang ating mga mata! Ang yamang ibinulsa, itinago, tinatamasa, at ginagamit pa nga ng mga Marcos para sa kanilang mga pampulitikang gawain ay salapi ng bayang dapat pa ngang mabawi.
Bawiin ang yaman ng bayan at panagutin ang mga may sala sa mga pang-aabuso at karahasan!
Alalahanin at huwag kalimutan ang mga aral sa pagkakapataw ng Batas Militar noong 1972!
Matapos ang panunungkulan ni Marcos, naiwang salat sa yaman ang bansa, lubog sa utang ang pamahalaan, at nagluluksa ang libu-libong pamilya ng mga pinaslang! Alalahanin ang aral ng kasaysayan!