TIGILAN ANG MASAMANG PAGGAMIT SA “SMS BLAST MACHINE”
Ang NTC (National Telecommunication Commission) ay nagbaba ng kautusan sa mga e-commerce platforms (gaya ng Facebook Marketplace, Lazada at Shopee) na daglian tanggalin sa kanilang website ang iligal na pagbebenta ng mga “SMS Blast Machine”. Ito’y kasunod ng kumalat na mga EMS (Emergency Messaging Service) Alert na ang nilalaman ay patungkol sa pagsuporta sa isang nagngangalang BBM at di umano’y iniuugnay sa pagkandidato sa pagkapangulo ni dating Sen. Bong-Bong Marcos. Ito’y laganap na ibinibenta sa internet na kahit sino ay maaring makabili ng walang kaukulang pahintulot salungat sa itinakda ng batas at regulasyon ng NTC.
Kinikilala natin ang hatid na tulong ng aparatong ito. Sapagkat ito’y magbibigay babala sa panahong may mga kalamidad. Makapagbibigay din ito ng maasahang signal lalo na’t malaking bahagi ng bansa ang kulang pa din ang cellsite. Subalit ito’y madaling napasakamay ng mga makasarili at ginamit sa maling intensyon.
Di biro ang makatanggap ng mga EMS Alert lalo na’t buhay nating ang nakasalalay. Pati ang ating privacy ay mapanghihimasukan Papaano na lamang kung balewalain ang mga susunod pang mga walang saysay na alerto dahil na rin sa pagkairita? Masaklap ay sa panahong tunay na alerto na ang hatid ay siyang di na natin seseryosohin. Tiyak malaking gulo ito!
Panawagan po natin sa NTC na kahit di panahon ng halalan ay paigtingin ang kampanya kontra sa iligal na pagtitinda o pagbili ng mga SMS Blast Machine. Maging ang imbestigasyon sa maling paggamit ng Emergency Alert Messages na sumusuporta na may inisyal na BBM ay kailangan din isiwalat sa taong-bayan.
Sa ngayon ay wala pang teknolohiyang tutunton dito. Kaya naman sa ating mga kapwa Pilipino, huwag natin itong balewalain. Bagkus ay ating tandaan ang mga kandidatong maghahasik ng mga maling alerto upang di ito maiboto. Sa ganitong paraan di tayo maloloko.