Pag-aralan ng malalim bago magpanukala ng mali
Wika ni Ginoong Padilla, hindi raw lohikal na ang isang pampublikong serbisyo ay isapribado. Iminungkahi niyang ibalik sa pamahalaan ang buong-buong pangangasiwa ng mga public utilities na ito. Sa gayon, aniya, mapapababa daw ang presyo ng tubig at kuryente.
Hindi pa naman ganoon katanda si Ginoong Padilla upang malimutan na sumailalim ang bansa sa isang krisis sa kuryente noong unang bahagi ng dekada 90 at isang krisis naman sa patubig noong huling bahagi nito.
Dahil sa malawakang brownout noon, bumagsak ang maraming negosyo. Malaking bahagi rin ng bansa, kasama ang Metro Manila, ang naging salat sa tubig. Ang kambal na krisis na ito ay dulot ng direktang pagmamay-ari at pamamalakad ng pamahalaan sa sistemang patubig at pang-enerhiya sa bansa.
Kung lalaliman lang sana ni Ginoong Padilla ang kanyang pag-aaral pa sa mga nasabing usapin, malalaman niya at mauunawaang naging bahagi ng solusyon sa dalawang magkasunod krisis ang pagsasapribado ng mga dati ay pampublikong serbisyo o ang mga tinatawag ngang public utilities.
Tama lamang na alalahanin ni Padilla ang presyo ng tubig at kuryente subalit hindi awtomatiko na kung hawak ng pamahalaan ang isang serbisyo, mas mapapainam ito o mas magiging abot-kamay para sa lahat ang nasabing serbisyo at ang mga produktong dulot nito.
Ipinapakita ng kasaysayan, Ginoong Padilla, na ikaw ang wala sa lohika. Kailangan natin ng mas matalas at angkop na patakaran ayon sa ating karanasaan, kasaysayan at pangangailangan bilang bansa. Baluktot na pangangatwiran at atrasadong panawagan ang pagsasapubliko ng mga serbisyo o utilities. Dati na ngang nasa kamay ng pamahalaan kaya nga nagkakrisis tayo — wala pang tatlong dekada ang nakalilipas.
Pag-aralan ng malalim at unawain ang lahat ng aspeto sana ang mga isyu at lumingon sa nakaraan bago magpanukala ng basta-basta at maling-mali.