DAGLIANG PAGPASA NG ANTI-ONLINE PIRACY BILL TUGON SA NAGHIHINGALONG DIGITAL CREATIVE INDUSTRY
Sa patuloy na pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya ay siya namang ding tuluyang pag-usbong ng Digital Creative Industry. Lalo na sa panahon ng pandemya na limitado ang kilos ng mga tao ay isang patunay na ang paggamit ng internet ay ligtas at maasahan.
Dahil sa lumalaking pangangailangan ay lumaki din ng husto ang Digital Creative Industry. Subalit di rin nagpahuli ang mga kawatan. Lumaganap ang Online Piracy na kung saan ay ninanakawan nila ang mga orihinal at lehitimong nagmamay-ari ng mga katha ng mga online content. Isang halimbawa nito ay ang mga pelikula o mga awitin inilabas sa internet.
Lubhang mapanganib ito para sa ating lahat. Ngayon pang nakakita tayo ng paraan upang kumita ng lehitimo ay siya namang itong puputaktihin ng mga pirata. Di lamang ang Digital Creative Industry ang mapeperwisyo nito kundi pati ang ating ekonomiya. Ang pamimirata ay katumbas ng kawalan ng karagdagang buwis. Magkakaroon din ng negatibong reputasyon ng Pilipinas sapagkat lalabas na ang ating bansa ay maluwag sa pamimirata. At posibleng magbunga ng pangamba sa mga dayuhang mamumuhunan at umiwas mangalakal sa ating bansa.
Mariing panawagan ng BK3 (Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada) ang dagliang pagpasa ng HB 799 o Anti-Piracy Bill na siyang susugpo sa online piracy. Umaapela din tayo sa ating mga kababayan na huwag tangkilikin ang online piracy. Dahil ang pagtangkilik sa online piracy ay isang uri din ng pagnanakaw.
Iwaksi at parusahan ang mga pirata. Irespeto at protektahan ang mga orihinal na manlilikha at mga talento ng mga digital o online content. Itaguyod ang Digital Creative Industry tungo sa isang maunlad na bayan.
Pet A. Climaco
BK3 Secretary General