Trabaho at Transportasyon: Hindi Lang Dapat “Pwede Na”
Ang trabaho at transportasyon ay hindi lang basta isyu—ito ay batayan ng maayos at disenteng pamumuhay ng bawat Pilipino. Ngunit bakit hanggang ngayon, marami pa rin ang walang sapat na oportunidad sa trabaho at nahihirapang makabiyahe araw-araw?
Para sa isang ordinaryong Pilipino, ang pagkakaroon ng matatag at makatarungang trabaho ay hindi luho kundi pangangailangan. Dapat may sapat na sahod, benepisyo, at seguridad sa trabaho upang matustusan ang edukasyon ng mga anak, gastusin sa araw-araw, at magkaroon ng mas magandang kinabukasan. Kailangan ng gobyerno na hindi lang mangako, kundi aktibong lumikha ng mas maraming trabaho sa pamamagitan ng pagsuporta sa industriya, negosyo, at mga programang pangkabuhayan.
Ganun din sa pampublikong transportasyon—araw-araw, milyon-milyong Pilipino ang nagtitiis sa siksikan, aberya, at mataas na pasahe. Ang isang maayos na sistema ng transportasyon ay dapat mabilis, ligtas, abot-kaya, at maaasahan. Hindi sapat ang maliliit na pagbabago—kailangang seryosong tugunan ang matagal nang problema ng trapiko, kulang na pasilidad, at palpak na serbisyo.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 12-18, 2024, 51% ng mga Pilipino ang nasisiyahan sa mga hakbang ng gobyerno sa paglikha ng trabaho, habang 45% naman ang kontento sa mga pagsisikap sa pampublikong transportasyon. Pero sapat na ba ito? Hindi dapat maging kampante ang gobyerno dahil marami pa rin ang walang trabaho at hirap sa biyahe.
Hinahamon ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3) ang pamahalaan na huwag maging kuntento sa “pwede na.” Ang mga survey rating ay hindi tagumpay kundi paalala na mas marami pang kailangang gawin. Dapat maramdaman ng bawat Pilipino ang tunay na pagbabago sa kanilang pang-araw-araw na buhay—hindi lang sa papeles o survey.
Dahil ang disenteng trabaho at maayos na transportasyon ay hindi pribilehiyo—karapatan ito ng bawat Pilipino.