![](http://www.bk3.org/tanod/wp-content/uploads/2025/02/BK3-STATEMENT-20250213-750x750.jpg)
Babala sa Konektadong Pinoy Act: Huwag Isakripisyo ang Seguridad ng Mamamayan!
Babala sa Konektadong Pinoy Act: Huwag Isakripisyo ang Seguridad ng Mamamayan!
Iba’t ibang reaksyon ang lumitaw sa panukalang Senate Bill 2699, na mas kilala bilang Konektadong Pinoy Act.
Walang dudang maganda ang layunin ng panukalang batas Senate Bill 2699, na mas kilala bilang Konektadong Pinoy Act upang dalhin ang mabilis at abot-kayang internet sa mas maraming Pilipino. Sa teorya, mas maraming internet providers ang papasok sa merkado, at ang kumpetisyon ay magreresulta sa mas magagandang serbisyo para sa publiko.
Ngunit sa ating matinding pangangailangan ng mas maayos na koneksyon, tila hindi natin napagtutuunan ng pansin ang malaking banta sa ating seguridad.
Sa kasalukuyang anyo ng panukalang ito, walang matibay na pananggalang upang masigurong ligtas at lehitimo ang mga papasok na telco providers. Walang garantiya na hindi sila may kaugnayan sa mga grupong may masamang hangarin laban sa ating bansa o sa ating mga ordinaryong mamimili.
Mawawalan ng kapangyarihan ang National Telecommunications Commission (NTC) na tiyakin kung sino-sino ang pumapasok sa industriya. Mas lalong delikado ito para sa mga nasa malalayong probinsya at mga lugar kung saan mababa ang kaalaman sa digital security. Kung walang sapat na proteksyon, magiging madali para sa mga mapagsamantalang grupo na dayain, nakawan, o manipulahin ang mga gumagamit ng internet, lalo na ang mga hindi pamilyar sa mga panganib ng online transactions.
Ang mas masaklap pa, maaaring maging biktima ang mga mamamayan ng identity theft, panloloko sa pamamagitan ng phishing, pagnanakaw ng pera sa digital platforms, o mas malala pa—gamitin ang kanilang pagkakakilanlan sa mga iligal na gawain.
Kung hindi babalikan at aayusin ng ating mga mambabatas ang panukalang ito, masyadong mahal ang magiging kapalit ng pagiging “konektado”—ang ating sariling kaligtasan.
Kaya’t kami sa BK3 ay nananawagan sa ating mga mambabatas: Huwag isakripisyo ang seguridad ng bawat Pilipino! Siguruhing may sapat na proteksyon sa batas na ito bago ito tuluyang maipatupad.
Atty Karry Sison
Convenor