Balanse at Bayanihan sa Agrikultura

Sa mga nakaraang krisis pang-ekonomiya, tulad ng 1997 Asian Financial Crisis at ng 2008 Financial Meltdown, at sa gitna ng kasalukuyang COVID-19 pandemya, patuloy na nakapag-aambag ang agrikultura sa ating ekonomiya at lipunan.

Ito ang pambungad na temang inilahad ni Prof. Dindo Manhit, Presidente ng Stratbase ADR Institute sa napapanahon na webinar tungkol sa “Managing Food Supply Chains: A Multi-Stakeholder Perspective” noong Setyembre 30, 2020.

Ipinahayag rin ni Prof. Manhit na kailangan nating itaguyod ang local cycle ng agrikultura upang tiyakin ang daloy ng pagkain at mga kaakibat na produkto at maging sapat ang suplay ng mga ito sa mga pamilihan.

Pinagtuunan rin niya ng pansin na kailangang ipagpatuloy ng gobyerno ang pagsuporta dito, dapat maging balanse ang importasyon at hayaang tugunan ng lokal na suplay ang lokal na pangangailangan at pamilihan.

Ayon naman kay Undersecretary Ariel Cayanan ng Departmento ng Agrikultura, matapos banggitin ang iba’t-ibang programa ng departamento para sa kabuhayan at oportunidad ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda at mga kaakibat na industriya, sinabi nyang kailangang itrato ang agrikultura bilang isang industriya ayon sa layuning pagibayuhin ang value chain ng mga pang-agrikulturang kalakal.

Samantala, iginiit naman ni Nikki Sarmiento-Garcia, presidente ng Philippine Association of Feed Millers Inc. (PAFMI), na palagiang implementasyon ng mga programang nabanggit ang kailangan ng agrikultura. Dagdag dito, dapat ay nakabatay sa mga kongkretong datos ang mga programa at nang sa gayon ay maging calibrated o angkop ang implementasyon. Isa na dito ay ang usapin ng exportasyon at importasyon.

Sa kabuuan ng webinar, dalawang napapanahong tema ang matingkad na napag-usapan at lumahok ang gobyerno, akademiko, mamumuhunan, negosyante at konggresista sa mga makabuluhang talakayan.

Pangunahin dito ang pangangailangang itaguyod ang ating agrikultura sa gitna ng pandemya upang maiahon sa pagkakalugmok ang ating mga magsasaka, manggagawa, at mangingisda. Sa panig naman ng mga namumuhunan at mga kaakibat na industriya, ang mga naantalang proseso at transaksyon sa produksyon ay kailangan muling buhayin at pasiglahin upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng pagkain.

Pumapangalawa ay ang pagkakaroon ng balanse sa pagitan gobyerno at industriya. Kailangan natin ang balansyadong patakaran sa importasyon-eksportasyon at kung saan ang mga aksyon at kagalawan ng bawat panig ay may pagsasaalang-alang sa mga tao at negosyong maaapektuhan.

Subalit maisasagawa lamang ang mga ito kung magtutulungan ang gobyerno at industriya. Regular na konsultasyon ang kailangang laging pairalin lalo na ngayong panahon ng krisis at kagipitan.

Sa puntong ito, nais ipahayag ng BK3 ang lubos na pagsang-ayon at pagsuporta sa pagtutulungan ng gobyerno at industriya ng agrikultura. Sa malao’t madaling panahon, tayong mga konsyumer din ang tuwirang makikinabang sa ganitong kaayusan.

Itaguyod natin ang diwa ng Bayanihan sa pagitan ng gobyerno at industriya ng agrikultura!