Pahayag ng Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada (BK3) sa Suspensyong Ipinataw ng LTFRB sa Uber

Lubos naming sinusuportahan ang pagkondena ni Senadora Grace Poe sa hakbang na tinahak ng LTFRB. Kami ay sang ayon kay Senadora Poe na pwede sanang hindi pahirapan ang libu-libong mananakay ng Uber kung ang ipinataw lamang ay multa.

Gaya ng pananaw ng butihing Senadora, mariin naming tinututulan ang pagsuspinde sa serbisyong ibinibigay ng Uber. Ikinalulungkot namin na kung alin pang transportasyon ang siyang nakapagbibigay ng maginhawa at maaasahang alternatibo ay siya pang ipahihinto ng LTFRB.

Sa aming pagkaka-alaala, ang pagpapataw ng suspensiyon ay iginagawad lamang sa mga operaytor na nasasangkot sa mga kagimbal-gimbal na aaksidente.

Subalit sa sitwasyong ito, ang lubos na naperwisyo ay ang mga ordinaryong mananakay na nagnanais lamang ng mas kalidad na sasakyan.

Bilang pagtatanggol sa interes at karapatan ng mga ordinaryong konsyumer, kami ay nanawagan sa LTFRB na bawiin ang suspensyon upang ang mga tao ay patuloy na makinabang sa mga TNVS, at humanap ng tamang solusyon upang ang lahat ay makasunod sa regulasyong patas at may katwiran.