Agarang ayusin ang national ID system

Nananawagan ang Bantay Konsyumer, Kalsada at Kuryente (BK3) sa pamahalaan na pabilisin ang paglunsad ng Philippine National ID system upang makatulong sa digital transformation ng buong bansa.

Maituturing na susi ang isang maayos na national ID system sa sustenido at inklusibong paglago ng ating ekonomiya.

Hindi ito basta ID card lamang. Isa itong sistema para sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng mamamayan. Kung gayon, batayan ito at magpapatibay sa lahat ng uri ng transaksyon at makalilikha ng pagkakataon upang matagumpay na lumahok ang mga mamamayan sa lumalagong digital ecosystem.

Sa kalaunan, kung gagamit pa nga ito ng biometrics, hindi na kakailanganin pa ang isang ID card na maaari namang mapeke.

Kung ipapatupad nang tama, magiging mas ligtas at simple ang mga personal man o online na mga transaksyong pangnegosyo at mga pakikipag-ugnayan sa pamahalaan.

Mas matitiyak ng national ID system ang integridad ng mga serbisyong pampubliko at pagbabawas ng panlolokong online o digital (online or digital scams na dumadami na talaga sa ngayon). Mapapalakas nito ang e-commerce at iba pang digital transactions dahil mas malalaman natin kung sino ang ating tunay na nakakaugnayan online.

Malaking tulong din ang national ID system sa pagpapatupad ng batas, sa pagsugpo sa mga krimen, at sa pagpapadali transaksyon sa gobyerno katulad ng mga permit at lisensya.