Ang Mga Multong Likha ng Korte Suprema: Hinggil sa Usaping Patubig at ang MWSS

 

Pahayag ng BK3

 

Nitong Agosto lamang, pinagmumulta ng Supreme Court ang MWSS, Manila Water, at Maynilad, dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act hinggil sa palatag ng mga linya ng sewerage at sewage treatment facilities ayon sa itinakda ng nasabing batas.

 

Mukhang isang tama at kapuri-puring desisyon.  Sino ba naman ang ayaw sa isang makabagong sewage system para sa ating lungsod? Sino ba naman ang ayaw na may sewage system na maglilinis sa mga duming nanggagaling sa ating mga palikuran?

 

Pero sandali… Tila may kasamang mga multo ang desisyon—una, ang multo ng posibleng pagtaas ng singil sa tubig; ikalawa, ang multo ng nakaraang kapabayaan ng mga ahensiya at iba pang antas ng pamahalaan, at ikatlo, ang multong pabigat sa lahat sa milyong-milyong konsyumer sakop ng serbisyo ng MWSS.

 

Multo ng isang naunang desisyon.  Noong taong 2011, may nauna nang kaugnay na desisyon ang Supreme Court na nagbibigay ng hanggang 2037 sa mga water at sewage utility companies para matapos ang pagbuo ng sewage system sa Kamaynilaan. Kaugnay ito ng isang kasong nagtutulak sa paglilinis ng Manila Bay.  Sa mas bagong desisyon ng Korte ngayon, magiging limang taon na lamang ang palugit sa paglikha ng makabagong sewage system.  Magulo ang Supreme Court sa puntong ito.

 

Tatamaan na naman ang mga Konsyumer.  Bagama’t malinaw na hindi maaring bawiin sa mga konsyumer ang ipinapataw na multa, mukhang magiging malaking pabigat na naman sa atin ang tila nakagulong desisiyon ng Mataas na Hukuman dahil babaliktarin nito ang kanila ring paguutos noong 2011 na tapusin ang mga sewerage treatment plants hanggang 2037. Tila nakalimutan ang mga praktikal at teknikal na mga dahilan kung bakit  binigyan ng mahahabang panahon ang MWSS ipatupad ang nakasaad sa Clean Water Act kung saan limang taon lang and deadline.

 

Isipin natin ng konti ang mangyayari. Dahil kailangan tapusin sa loob ng limang taon ang malaking proyektong ito, ilang daang paghuhukay ng mga kalsada ang sabay-sabay na gagawin? Malang wala nang galawan ang trapiko sa halos lahat ng kalsada. Kawawa tayong lahat. Apektado ang lahat ng negosyo, apektado ang lahat hanap buhay ng milyong-milyong mamamayan. Ngayon pa lamang halos P3.4 Billion ang sinasabing tinatapon natin dahil sa trapiko. Malamang hindi lang doble ang masasayang na oras, pagod at oportunidad.

 

Sinabi na rin ng MWSS na malamang tumaas ang singil sa tubig dahil epekto na rin ng pagmamadali sa pagtayo ng sewerage system. Ayon sa CitizenWatch, maaring tumaas ng hanggang P16/cubic meter. Grabe naman ito! Dapat diniin ng MWSS sa Korte Suprema ang mga importanteng puntos na ito.

 

Kapabayaan ng mga piling ahensiya at antas ng pamahalaan.   Ang mga lokal na pamahalaan ang nakatalagang unang bantay sa kalusugan ng ating kapaligiran ayon na rin sa batas. Sa utos ng mataas na hukuman noong 2011, nagawa ba ng 17 ahensiya at mga local na pamahalaan na tinutubigan ng MWSS ang responsibilidad nilang magbigay ng kailangan datos, plano at iba pang pag-uugnay na kailangan para magawa ang malaking sewerage system na ito? Meron na bang sapat na lupa para dito? Kung sabit pa ang mga ito, talagang maiipit ang solusyon sa higanteng problemang ito at kahit gaano kalaki ang multa ay wala ring mangyayari.

 

At isa pa, alam natin kung gaano kahirap at tagal kumuha ng isang katutak na permit para gumawa sa mga pampublikong lansangan. Baka dito pa lang ay maubos na ang ilang taon.

 

Lahat tayo ay may reponsibilidad. Maganda ang hangarin ng pamahalaan ang linisin ang Manila Bay ngunit ang solusyon sa problema ng polusyon ay nasa ating lahat. Ang dumi o basura ay hindi naglalakad mag-isa papuntang ilog. Ang nagtatapon ng basura ay tao! Kapag tuloy-tuloy ang pagkakalat ng dumi sa ating mga estero, sapa, ilog at karagatan, kahit ang pinakamalaking sewerage treatment plant sa buong mundo ang maitayo natin ay hindi malilinis ang Manila Bay.

 

Ano ang solusyon sa usaping ito? Paano kokontrahin ang multo? Paglilinaw sa kalabuan ng magkaibang desisyon ng Supreme Court. Linawin ang tila nagbabanggaang utos hinggil sa kung kailan dapat mabuo ang sewage system ng Kamaynilaan; at sana, bigyang-konsiderasyon ang magiging epekto sa ordinaryong mamamayan sa kung anumang desisyong itatakda.