Bagong digital na ekonomiya para sa lahat
Bago pa man nagsimula ang pandemya, laganap na ang paggamit ng tinatawag na digital na teknolohiya (digital technology) sa personal at pang negosyong komunikasyon at transaksyon. Maging ang pagpapadala ng pera sa mga kaibigan at kamag-anak ay electronic na!
Lahat ng galaw natin ngayon ay kailangan ang smart phone o kaya computer na konektado sa internet. E-banking, telemedicine, e-commerce, e-learning, e-training… halos lahat ay ginagamitan ng digital technology dahil mabilis, madaling gamitin, at higit sa lahat, mabisang pang-iwas sa COVID-19 dahil hindi kailangan humarap o lumapit sa katransaksyon mo.
Nakakatuwa ang mga pahayag ng mga malalaking kumpanyang nangunguna sa mundo sa paglikha ng bagong teknolohiya sa nakaraang webinar ng Stratbase ADR Institute at Philippine American Academy of Science and Engineering (PAASE). Pinakita ng Netflix, Google, Amazon, Grab Philippines, at GCash ang mga bagong labas na teknolohiyang direktang nakakatulong sa mga konsyumer sa harap ng kahirapang binagsak ng pandemyang ito. Dapat lang pasinayahan ang nadudulot na benepisyo, kasiyahan, kaginhawaan, at kaligtasan sa mga konsyumer ng mga kumpanyang ito.
Madaling gamayin ng mga Pilipino ang mga bagong gadyet at kung paano gamitin ang teknolohiya sa trabaho at sa bahay. Malinaw sa mga pinakita ng mga tagapagsalita ng webinar na kung hindi dahil sa digital technology, dumapa na nang tuluyan ang ekonomiya ng ating bansa at pati na ang buong mundo. Mas-grabe at mas-malawak ang magiging krisis, mas-marami ang magugutom at mas-marami ang mamamatay.
Ngayon, dahil ganyan kabigat ang halaga ng digital technology, dapat siguruhin na mayroon tayong sapat na digital infrastructure na magbabato ng mabilis na broadband signal sa bawat smartphone at anumang gadyet na hawak natin, na walang putol ang serbisyo at saan man tayo pumunta.
Pero may malaking problema. Tukoy na ng mga eksperto mula sa pribadong sektor at pati na gobyerno, na kapos ng limangpung libo ang ating mga telecommunications tower at kulang ang ating mga fiber cable network. Dalawang kakulangan sa imprastraktura na nagiging dahilan ng may kabagalan at kung minsa’y paputol putol na signal. Kaya naman pala.
Nakahanda na raw ang malaking puhunan ng mga pribadong telco (Globe Telecom at Smart) upang mas pabilisin at palakasin ang serbisyo para sa mga smartphone at internet.
Ayon sa president at CEO ng Globe telecom na si Ginoong Ernest Cu, bagamat bumilis na ang pagpapatayo ng mga cell site tower dahil sa pinaigsing proseso ng pagbigay ng permit, bukod sa marami pang toreng kailangan itayo, mas bibilis ang pagpapatayo ng kailangang imprastraktura at pagpapabilis ng internet kung tuloy-tuloy ang suporta at kooperasyon ng pribadong sector at ng gobyerno. P70 bilyon ang nakalaang pondo ng Globe Telecom sa pagpapalawak ng kanilang serbisyo at higit ng mabilis na 5G signal.
Ayon naman sa Smart, papalo ng mahigit P90 bilyon ang magagastos upang magkaroon ng koneksyon ang mga lugar na wala pang serbisyo at mas maraming bayan ang maabot ng kanilang 5G network.
Magandang balita itong malaking tinatayang kapital ng Globe Telecom at Smart na ang dapat sana ay sabayan ng ating gobyerno sa pamamagitan ng pagsulong ng National Broadband Plan na hanggang ngayon ay isang plano pa rin.
Napagiiwanan na tayo ng ibang bansa sa ASEAN dahil ang kanilang mga gobyerno ay puspusan ang papalawak ng kanilang mga digital infrastructure. Dapat lang na maglaan ang gobyerno ng sapat na pondo para maisaayos ang ating pambansang broadband backbone na matagal nang kailangan. Utangin man natin ito ay siguradong madaling mababawi ang ginastos dahil sa malawakang benepisyong mabibigay sa mga mamamayan at mga negosyo, maliit man o malaki. Ito ang magpapabilis ng ating pagbangon sa matinding krisis pang ekonomiya na nagpapahirap sa bansa.
Nananawagan ang BK3 sa ating gobyerno na pagibayuhin ang paglalatag ng ating digital na imprastraktura. Higit dito, kailangan makipagtulungan sa pribadong telco upang maging maayos at mabilis ang implementasyon ng National Broadband Plan.
Sa mundong digital, magagamit ng Pilipino ang kanyang pagiging malikhain, masinop, masipag, at maabilidad upang manguna ang Pilipinas sa bagong digital na ekonomiya ng mundo.
Kaya natin ‘to!