BANTAYAN ANG MGA POWER PLANT
Dahil sa umiinit na ang panahon, malamang na madali ring mag-iinit ang ulo ng mga karaniwang konsyumer. Nitong nakaraang linggo, tila sunud-sunod ang pagsulpot ng problema gaya ng pagkawala o paghina ng serbisyo sa tubig at nagbabanta nanamang mga yellow alert sa kuryente.
Kamakailan lamang, lumitaw na naman ang hindi kaaya-ayang sitwasyon ng power supply sa Luzon grid (sa Visayas at Mindanao, alalahanin nating mas malala pa nga ang kalagayan araw-araw sa maraming lugar). Nakatatlong sunod-sunod na pagdeklara ng “yellow alert” ang National Grid Corporation of the Philippines ngayong taon. Ibig sabihin, bagamat walang brownout labis na mababa na ang reserba ng kuryente dulot ng hindi planong paghinto ng operasyon ng ilang planta at mataas na pagtatantiya sa pangangailangan o demand ng sistema.
Tandaan nating ang NGCP ay isang pribadong korporasyon na namamahala sa pagpapatakbo, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng power grid na ari naman ng ating estado o pamahalaan. Pinangangasiwaan nito ang pambansang transmisyon ng kuryente.
Matapos ang huling deklarasyon ng yellow alert mula sa NGCP, agad namang nagpahayag ang Kagawaran ng Enerhiya (DOE) sa publiko na ang Luzon grid ay may sapat na suplay ng kuryente. Ayon kay Undersecretary Felix William Fuentebella, sinisiyasat ng DOE ang posibilidad ng isang collusion — pagkukuntsaba o sabwatan — sa sabay-sabay na pagsasara ng mga power plant na nagresulta sa mababang suplay ng kuryente at pagtaas ng presyo sa ‘spot market’ ng kuryente. Nangyari na ito noon.
Sa kabila ng mga ilang usapang baka magsabay ang problema ng tubig at kuryente, tiniyak ng Meralco na hindi ito konektado at sapat ang suplay ng kuryente ngayong tag-init hanggang sa araw ng halalan. Tuloy-tuloy rin ang maintenance upgrade para maiwasan ang mga brown out.
Sana’y magdilang anghel ang DOE at Meralco at maging sapat nga ang ating kuryente. Huwag pa rin tayong maging kampante at huwag nating lubayan ang pagbantay sa mga power plant. Ituloy ang pagpahayag ng mga alerto sa suplay ng kuryente at mga power plant na nagsasara. Dapat ipaalam sa publiko ang dahilan ng pag-tigil operasyon ng mga ito, kung lehitimo nga o sinasadya para tumaas and presyo ng kuryente.
Sa pakikialam ng isang aktibong mamamayan at responsableng pamamamahala, malulusaw ang anumang sabwatan.
Louie C. Montemar
Convenor, BK3