Bigyan ng dagdag na oras ang mamamayan para magparehistro ng SIM card

Nananawagan ang BK3 sa Department of Information and Communication Technology na palawigin ang registration period para sa mga SIM card, na dapat sana ay magtatapos ngayong Abril 26.

Naging ganap na batas ang SIM Card Registration Act noon pang Oktubre 2022, at ang lahat ng may SIM ay may 180 araw upang irehistro ang kanilang mga numero sa National Telecommunications Commission sa pamamagitan ng kanilang mga mobile service provider. Sinabi rin sa batas na may kapangyarihan ang DICT na palawigin ang deadline kung kinakailangan.

Malaki ang pangangailangan. Noong Abril 11, may 39.4% lamang – wala pa sa kalahati — ng 168 milyon na SIM sa kasalukuyan ang naipaparehistro.

Napakahalaga ng pagpaparehistro ng SIM para sa proteksyon ng mamamayan lalo na laban sa mga manloloko at mapagsamantalang nilalang. Nariyan ang violation of privacy, identity theft, at fraud na bumibiktima sa mga karaniwang telco subscriber. Mas madaling masusugpo ang mga may sala kung bawat numerong ginagamit ay may kaakibat na pangalan ng isang totoong tao.

Bigyan sana natin ng pagkakataon pa para makapagparehistro ang mas marami pa nating kababayan. Marami ang nahihirapang sumunod sa mga kinakailangan sa pagkakakilanlan kaya dapat isaalang-alang ang mga alternatibo tulad ng mga ID ng opisina o paaralan. May mga mobile users din na nasa malalayong lugar at hirap makapagpatala ng kanilang SIM. Kasabay ng dagdag na panahon, paigtingin pa rin sana ang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa pagpaparehistro ng SIM, sa responsableng paggamit ng teknolohiya, at kung paano mag-ingat laban sa mga mananamantala.