BK3 para sa PalengQR Ph
Sa ilalim ng pandemiya, marami sa atin ang natutong gumamit ng mga digital apps gaya ng GCash para sa cashless transactions at teleconsult para naman sa mga serbisyong pangkalusugan. Malaking tulong ang mga digital apps na ito na gumagamit ng tinatawag na QR Codes upang pamahalaan ang iba’t ibang mahahalagang gawain upang patuloy na gumana ang ating ekonomiya.
Kaugnay nito, may inisyatiba ngayon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) katuwang ang Department of the Interior and Local Government na tinaguriang PalengQR Ph. Magkakaroon ng pambansang sistema hinggil sa QR codes na magsisilbing pamantayan para sa mga digital na pagbabayad o cashless na transaksyong pinansiyal gamit ang mga QR code.
Makatutulong ang inisyatibang ito upang maging maginhawa para sa mga mangangalakal, negosyante, tsuper, at para rin sa mga mamimili at pasahero ang mga digital na transaksyong pang-ekonomiya gamit ang iba’t ibang uri ng electronic money.
Upang matiyak ang maayos na pagpapatakbo o paggamit ng PalengQR Ph, kailangang kumilos ang mga lokal na pamahalaan upang tumulong sa edukasyon ng mga mamamayan hinggil sa paggamit ng nasabing sistemang pampananalapi.
Mas mapapalawak pa ang paggamit ng QR Codes sa iba’t ibang tindahan at maging sa mga transportasyong pampubliko kahit sa mga probinsiya kung saan dumadayo pa ang mga banyagang turistang sanay na sa paggamit ng e-money at cashless systems.
Higit sa lahat, sa pagtangkilik sa cashless na sistema gamit ang internet, mas magkakarooon ng akses sa karagdagang kapital maging ang mga maliliit na tindero o negosyante, pati na nga ang mga drayber ng pampublikong transportasyon.
Sa isang mayabong na digital at cashless na sistema, mas maraming oportunidad na pang-ekonomiya ang mabubuksan para sa lahat, halimbawa sa mga pautang at pamumuhunan na makukuha sa iba’t ibang institusyong pang-ekonomiya gaya ng mga bangko.
Malaki ang maitutulong ng PalengQR Ph upang higit pang palaguin ang ekonomiya ng bansa. Isinusulong namin ang maayos at agaran nitong pagpapatupad.