Gamitin ang impormasyon para sa ikauunlad ng sektor pang-agrikultura
Hinimok ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga opisyal sa Departamento ng Agrikultura na magbigay ng karagdagang impormasyon sa iskedyul ng mga pag-ani ng mga pananim sa Pilipinas upang maiwasan ang pag-aangkat ng mga produkto sa panahon ng anihan.
Isinusulong ng BK3 na ang ganitong pamamaraan ay dapat i-implemeta sa iba pang mga kritikal na produkto agrikultura katuald ng mais, asukal, kape, manok, at baboy.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi na kailangang mag-angkat ng mga produkto kapag ang lokal na produksyon ay sapat na upang matugunan ang lokal na pangangailangan. Aniya, ang pag-aangkat ay dapat lamang gawin kapag may kakulangan sa mga produktong pang-agrikultura.
Kinakatigan ng BK3 ang esensiya ng ideyang ito ng pangulo lalo na’t dapat isinasaalang-alang na ang mga magsasaka ay maaaring magkaroon ng tatlong cycles ng pananim sa isang taon. Maaaring ayusin ang iskedyul ng pagtatanim sa ilang mga lugar sa bansa upang samantalahin ang mga benepisyo na naidudulot ng tag-ulan bilang tugon sa mga epekto ng pagbabago ng klima. Karagdagan dito, sa paggamit ng mga impormasyon ukol sa possibleng produksyon ng mga karne, maari nating maiwasan ang sobrang pag angkat ng mga ito na maaring makaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.
Tunay naman na may mga pagkakataong kailangan ang pag-angkat o importasyon ng ilang mga kalakal sa agrikultura. Subalit ang pag-aangkat sa panahon ng pag-aani ay makapipinsala sa interes ng mga Pilipinong magsasaka sa partikular at sa ekonomiya sa pangkalahatan. Kailangang maunawaan ang mga pattern ng produksyon ng pananim at pag-aani sa Pilipinas upang maiwasan ang mapaminsalang pag-aangkat at sa halip ay makatulong na mapanatiling matatag ang sektor pang-agrikultura.
Ang mas mahusay na paggamit sa impormasyon kung kailan nagpapalaki ng mga hayop at magtatanim ang mga magsasaka ay maaaring magresulta sa mas mataas na ani at mas mataas na kalidad na mga produkto. Upang maging tunay na self-sufficient sa sa pagkain ang ating bansa, kailangang mabawasan ang labis na pagsandig ng bansa sa pag-angkat at tumungo sa paglikha ng isang balanseng sistema ng importasyon. Makakatulong ito na protektahan ang mga lokal na prodyuser mula sa matinding kompetisyon sa pagitan ng mga dayuhang produkto na higit na mas mababa ang presyo sa pandaigdigang pamilihan