Hindi natin kailangan ng siga sa isang pandemiya!
Labis na nakababahala ang bara-barang pagbanat ng Pangulo sa kung tila sino na lamang ang maisip niyang patamaan. Wala na ba tayong batas?
Sa kanyang SONA, nagpahayag si Pangulong Duterte ng pagbabanta sa mga kompanya ng telepono o kompanyang pangtelekomunikasyon (telco). Dapat daw nilang ayusin ang kanilang serbisyo.
Isa itong bantang hindi dapat maliitin at hindi mababalewala. Tignan na lamang natin ang nangyari sa kaso ng ABS CBN kung saan libu-libong karaniwang empleyado at manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Kung may tunay na batayan ang kahinaan o pagkukulang ng SMART at GLOBE, kailangang tukuyin ang mga ito at isalang sila sa imbestigasyon at paglilitis ayon sa batas. Kung may mapatunayan ang pagkakasala nila, patawan ng karampatang parusa o multa.
Hindi maaaring dahil lamang sa akusasyon o pahayag ay isasasara nang bigla ang isang kompanya, dahll kung magagawa iyan ng pamahalaan sa malalaki, paano pa tayong maliliit o mga may maliliit lamang na negosyo?
Walang lugar ang pagbabanta at pagiging siga sa panahon ng isang krisis pangkalusugan at sa pamamahalang pang-ekonomiya sa isang demokrasya.
Dagdag pa, hindi dahilan ang kasalukuyang krisis upang kunin nang pwersahan ng pamahalaan ang pagkontrol sa piling kompanya. Mas malaking krisis ang dadagok sa ting lahat dahil walang kakayahan ang pamahalaan magpatakbo ng isang malaking operasyon na kailangan ang pinkamataas na teknikal at propesyonal na qualification katulad ng telekomunikasyon. Ilang beses na nalugi ang gobyerno kaya nga nagkaroon ng PPP o Public Private Partnership na naitatayo ang malalking imprastraktura na walang gastos ang gobyerno.
Kung igagalang ang Saligang Batas, may paraan naman para mapanagot ang mga tiwaling kompanya. Ang malinaw na katiwalian ay kung babastusin natin ang Konstitusyon.
Hindi siga ang kailangan natin. Kailangan natin ng pinunong matamang nag-iisip at may paggalang sa buhay at kabuhayan at. Kailangan natin ng pinunong hindi lamang alam kung ano ang batas, ngunit alam din kung paano gagamitin ng tama ang batas.
We don’t need the rule of a bully. We need the rule of law!
Nananawagan kami sa Pangulo na itigil na ang kanyang mga pagbabantang walang sa lugar. Kailangan nating patatagin ang eknomiya kaya gamitin natin nang tama ang batas.
Kailangan pa nga ng mga telco ng suporta, lalo na sa kanilag pakikipagtuwang sa mga lokal na pamahalaan. Palakasin natin ang impraistruktura ng ICT at mga telco. Para sa ating lahat ito.
Louie Montemar
Convenor, BK3