Ilatag ang isang telco infra code para isulong ang kaayusan sa imprastrukturang digital
Naniniwala ang BK3 na sa interes ng mga konsyumer sa panahong ng digitalisasyon, kailangan ng bansa ang isang telecommunication infrastructure code (telco infra code) na kumikilala sa internet connectivity bilang isang pangunahing utility o serbisyo gaya ng tubig at kuryente.
Hindi maikakaila na napakahalaga ng serbisyong internet sa buhay natin. Dapat lamang na ilatag ng pamahalaaan ang isang pambansang batas at mga gabay upang maisaayos ang pagpapaunlad ng imprastrukturang residensyal at komersyal sa buong kapuluan. Dapat unahin ang fiberization o paglalagay ng mga fiber optic cable at iba pang kagamitang kailangan ng mga telco sa pagdudulot ng serbisyong internet.
Ang mungkahing telco infra code ay pandagdag sa umiiral na Building Code at ilalapat sa iba’t ibang uri ng real estate development. Ang kasalukuyang Building Code ay isinabatas noong pang 1972 at hindi na nito sakop ang pangangailangan sa bagong teknolohiya ngayon.
Kailangan ang suporta ng pribadong sektor sa usaping ito. Ang mga developer ng residensyal at komersyal na pag-aari at mga telco ay kailangang maging katuwang ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na paglalatag ng fiber optic cables alinsunod sa mga bago at makabagong pamantayan.
Dapat pahintulutan ang mga telco na maglatag ng fiber sa mga kasalukuyang development sa pinakamabisang paraan nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng iba’t ibang serbisyo sa mga konsyumer.
Isulong ang kaayusan sa imprastrukturang digital. Itaguyod ang interes ng mga konsyumer!