IMPLASYON AT TRAIN, MASAKIT NA SA MASA
“IMPLASYON AT TRAIN, MASAKIT NA SA MASA”
Dalawang buwan na mula ng mabalita ang isang nakababahalang pahayag ng Dekano ng UP School of Statistics hinggil sa “inflation” (implasyon) o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa pahayag na iyon ni Prof. Dennis Mapa, magpapatuloy ang pagdurusa ng pinakamahihirap nating kababayan dahil sa mataas na antas ng implasyon sa “susunod na dalawang buwan.” Ngayon, damang-dama na nga natin ang pagtaas ng mga bilihin. Nababahala na maging ang mga negosyante.
Ayon na rin sa paliwanag ni Prof. Mapa, tila hindi inaasahan ng Department of Finance (DOF) ang lakas ng epekto ng dagdag-buwis ng kasalukuyang gobyerno sa paglobo ng mga bilihin lalo na ang dagok nito sa mga naghihikahos na nga sa buhay.
Ayon mismo sa DOF, tumaas ng halos tatlong piso kada litro ang presyo ng diesel dahil sa batas na TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Kung ihahalimbawa na lamang natin ang lagay ng mga jeepney sa Maynila na karaniwang kumukonsumo ng tatlumpong litro kada araw sa pamamasada, ang bawat pisong dagdag-presyo sa diesel ay mangangahulugan ng kabuuang 90 pesos na bawas sa arawang kita ng isang drayber. Hindi ito biro para sa abang buhay ng kanyang pamilya!
Ayon sa mga ekonomista, maraming sanhi ang implasyon bukod pa sa pagtaas ng buwis, katulad ng: presyo ng mga materyales sa produksiyon, sweldo ng manggagawa, halaga ng palitan ng salapi, paglago ng lokal na ekonomiya, paglago ng mga banyagang ekonomiya, interest rates sa mga pautang, pagbe-benta ng mga government bonds, at maging ang pag-imprenta ng pamahalaan ng bagong salapi.
Kumplikado talaga ang usapin ng implasyon. Pero malinaw na hindi maganda ang labis at mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sapagkat nakasisira ito sa takbo ng ekonomiya. Pabigat ito sa lahat ng konsyumer, lalo na sa masang isang kahig at isang tuka lamang.
Upang matugunan ito, kailangan ang mabilis na pagkilos ng gobyerno. Bagamat maganda ang mga benepisyong pangako ng TRAIN katulad ng malalaking imprastraktura at pagbigay ng mas-malawak na serbiyo, hindi dapat maging pasanin ng mga mahihirap ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng halos lahat ng pangaraw-araw na gastusin. Kailangan ibigay na ang pinangakong tulong sa mga pinakamahihirap na pamilya katulad ng pinalawak na CCT at murang bigas.
Sa ngayon, may mga grupo at mambabatas na nagtutulak sa pagsususpindi at pagbabago sa mga probisyon ng batas TRAIN. Mismong ang mga gumawa kasi ng batas ay naglagay ng kwalipikasyon sa mga probisyon nito upang isuspindi ang pagpataw ng dagdag-buwis kung sakaling labis na tumaas ang presyo ng mga binubuwisang produkto.
Narito na nga tayo at nangyayari na ang kanilang ikinababahala. Labis nang nasasaktan ang mga konsyumer, lalo na ang masa. Kung hindi kikilos ang mga mambabatas, hindi makakalimutan ng mga botante ang TRAIN sa palapit na eleksyon.
Louie Montemar
Convenor, BK3