IPASA NA ANG MURANG KURYENTE BILL!
Kailangan ng kaunting paliwanag upang makita natin ang halaga ng panukalang ito.
Ang proyektong Malampaya (o Malampaya Deepwater Gas-to-Power project) ang unang matagumpay na pag-ani ng natural gas mula sa ilalim ng ating karagatan. Nadiskubre ito noong 1990 at binuksan noong 2001. Sa ngayon, pinapatakbo nito ang tatlong planta sa lakas na 2,700 megawatts. Katumbas nito ang 30% ng kuryenteng kailangan ng buong Luzon.
Ayon sa Presidential Decree No. 910 ni Pangulong Marcos, ang kita mula sa mga proyektong pang-enerhiya ay dapat maging bahagi ng isang espesyal na pondo upang tustusan ang iba pang mga proyekto ng pamahalaan sa enerhiya. Pinahihintulutan din nito ang paggamit ng pondo para sa iba pang mga proyekto kung aaprubahan ng Pangulo. Dito umusbong ang usapin sa paggamit ng tinatawag na “Malampaya Fund.”
Dito ngayon papasok ang halaga ng Murang Kuryente Bill na inaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa Senado. Kung maisasabatas ang Murang Kuryente Bill, titiyakin nito na gagamitin ang bahagi ng pondo para sa pagpapababa ng presyo ng kuryente. Pahihintulutan nitong gamitin ang ₱207-bilyon mula sa Malampaya Fund upang mabayaran ang mga natitirang gastos na nakakontrata sa proyekto at ang malaking utang ng National Power Corporation (Napocor).
Ayon kay Sen. Gatchalian, ang panukalang batas ay makapagbababa sa presyo ng kuryente. Para sa isang pamamahahay na gumagamit ng 200 kilowatt hours bawat buwan, aabot sa PhP 2,033.76 kada taon ang matitipid—halos isang sako na ng bigas ito!
Samakatuwid, kailangan ang agarang pagpasa ng batas na ito upang mapakinabangan ang Malampaya Fund upang mapagaan ang mabigat na gastos sa kuryente. Napakalinaw ng benepisyo nito para sa ating lahat.
Suportahan natin ang Murang Kuryente Bill!