Isulong ang digital na teknolohiya para sa lahat
Iminungkahi ng mga nangungunang lider mula sa pribadong sektor na ang daan patungo sa pag bangon ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng teknolohiyang digital.
Sa idinulog na online na talakayan na inorganisa ng “think tank” na Strabase ADR Institute, idiniin ng Chairman ng Ayala Corp. na si Jaime Augusto Zobel de Ayala na naniniwala siyang ang patuluyang pag bangon ng ekonomiya ay magaganap kapag malalim ang kontribusyon ng pribadong sektor at kung may kolaborasyon ito kasama ng gobyerno.
Klaro sa lahat ng nagsalita na dapat ang pribadong sektor ang may kakayahan at dapat manguna sa pagpapalaganap ng mga solusyong “digital” na ngayo’y napakahalaga, hindi lang sa pang-araw araw na pangangalakal, kundi sa pag-ahon sa kahirapan dulot ng pandemyang ito.
Mula nang mag umpisa ang pagtratrabaho ng mga Pilipino sa bahay nitong nakaraang taon dahil sa pandemya, lahat ng digital na plataporma ay nagsibulusok dahil sa ginhawang nabibigay ng mga ito sa lahat ng konsyumer. Malaki ang tulong bilang panangga sa COVID 19.
Ito marahil ang pinakatampok na dahilan kung bakit kailangan ang pribadong sektor sa pag-usad ng digital na transpormasyon, lalo na’t halos lahat sa atin ngayon ay gumagamit sa mga aplikasyong digital sa ating hanapbuhay.
Nanawagan ang BK3 sa ating gobyerno na makipagtulungan sa pribadong sektor tungo sa pagpapalaganap ng mga digital na teknolohiya sa lahat ng sektor at lahat ng sulok ng bansa.