Isulong ang pambansang interes. Protektahan ang lokal na Negosyo!
Pinaulanan ng batikos ang pamahalaan matapos ang pagpapatupad ng Executive Order No. . 128 o E.O. 128 — isang kautusang pambansa na nilagdaan ng Pangulo nitong ika-7 ng Abril lamang.
Sa ilalim ng E.O. na ito, pansamantalang pabababain ng pangulo ang taripa o buwis na ipinapataw sa mga aangkating karne ng baboy.
Dapat din na ipaalala sa lahat na ayon na sa batas, may limitasyon sa dami ng karneng baboy na maaaring angkatin mula sa ibang bansa o ang tinatawag na Minimum Access Volume (MAV).
Sa bagong E. O. ng Pangulo, bukod sa pagpapataas ng MAV, pansamantala ring ibinababa sa lima hanggang sampu o labinlimang porsiyento na lamang ang taripa sa aangkating mga karneng baboy sa loob ng susunod na labindalawang buwan. Sa batas, dapat ay nasa tatlumpung porsiyento (30%) ang taripa!
Malinaw na ibinabaluktot o ibinabali ang batas sa usaping ito.
Ayon sa iilang mga grupo, ang E.O. na ito ay tagumpay daw para sa mga konsyumer sapagkat ibababa nito ang presyo ng karneng baboy na labis ang pagtaas dulot ng African Swine Flu virus.
Subalit, maaari naman nitong patayin ang lokal na industriya ng pag-aalaga ng baboy, kabilang na rin ang mga pangkaraniwang tao na nasa pag-aalaga ng baboy ang kabuhayan. Ang mga backyard hog-raisers o maliliit na mga tagapagalaga ng baboy ay bumubuo sa 71 porsiyento sa industriya ng karneng baboy sa ating bansa.
Bukod sa mga samahang pang-agrikultura, tinututulan din ng ilang mga mambabatas ang E.O tulad ni Albay Rep. Joey Salceda na nagsabing naïve daw ang naniniwalang mananatiling mababa ang presyo ng karneng baboy kapag dumami ang volume ng aangkatin mula sa ibang bansa. Maaari pa nga itong lalong pagkakitaan dahil mapipilay ang lokal na industriya.
Para sa BK3, malinaw ang punto ng mga grupong napabibilang sa sektor ng pag-aalaga ng baboy at mga konektadong negosyo na kaakibat ng industriyang ito.
Sino nga ba ang talagang mas makikinabang sa ganitong uri ng patakaran kundi ang iilang malalaking negosyante lamang o hindi kaya ang mga sindikatong maaring kasabwat ng Departamento ng Agrikultura tulad ng ibinanggit ni Sen. Panfilo Lacson?
Sa halip na tulungan ng pamahalaan ang maliliit na mga negosyante, sa pamamagitan halimbawa ng piling subsidyo o tulong pinansiyal upang mapalakas ang lokal na ekonomiya, lalo lamang silang ilulugmok ng nabanggit na kautusan.
Sa kadahilanang ito, nanawagan ang BK3 na ang interes ng mga konsyumer at pati na rin sa mga lokal na negosyante ang pangunahing pangalagaan. Tigilan na ang mga palpak na polisiyang lalong magpapahirap sa mga Pilipino na ngayo’y pagod-na-pagod na at naguguotm na dahil sa mahigit isang taon nang krisis na ito.
Lalo na ngayong katatapos lamang ipagdiwang ang Araw ng Kagitingan, nawa’y mas maging magiting ang pamahalaan sa pagtatanggol ng pangmatagalang interes ng buong bayan!
Ibasura ang E. O. 128! Isulong ang interes ng karaniwang Pilipino!
Prof. Louie Montemar
BK3 Convenor