Ituloy ang Suspensiyon ng TRAIN2 Excise Tax sa Petrolyo
ni Louie Montemar para sa BK3
Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas, sinabi mismo ng isang Undersecretary ng DOF na umaasa ang gobyerno na mawalan ng PhP41 bilyon mula sa posibleng pagsususpinde ng ikalawang pagtaas ng buwis sa mga produktong petrolyo ngayong paparating na 2019 sa ilalim ng TRAIN. Gayunpaman, nilinaw niya na ang aktwal na pagkawala ay hindi lubos na malaki at ang DOF ay mayroon nang mga plano kung paano pamahalaan ang mga bagay kung pansamantalang mapigil ang pagpataw ng mga excise tax sa petrolyo sa 2019.
Ano ang nagbago ngayon? Oo, bumaba ang mga presyo ng mga produktong langis. Ngunit mananatili ba sila roon? Alam ng DOF na maaari naman palang gawin ang suspensyon. Bakit hindi natin gawin ito para sa ating mga konsyumer, para sa ating mga mamamayan?
Bukod pa rito, sa kabila ng pagpapababa ng mga presyo ng produktong petrolyo, hindi natin nakikita ang kasabay na pagbaba sa mga presyo ng iba pang batayang bilihin. Isa itong kakatwang bagay hinggil sa mga pagtaas ng presyo at alam na alam ito ng mga ekonomista—ang mga presyo “sticky downward” o makapit pababa. Sa madaling salita, napakadaling itaas ng mga presyo ngunit mahirap ibaba. Kung itutuloy natin ang dagdag na buwis sa mga produktong pertrolyo sa ilalim ng TRAIN2, magpapatuloy lamang tayo sa pattern ng inflation na mayroon sa ngayon at patuloy na maiipit sa bigat ng mga presyo ng bilihin ang marami.
Bigyan natin ng pahinga ang ating mga mamimili. Hayaan ang DOF na gawin ang kanyang trabaho at maghanap ng isang mainam na kaayusan para sa lahat, lalo na para sa ating mga naghihikahos na konsyumer.