Kailangan ang EO para sa malawakang imprastrukturang digital para sa lahat

Kailangan ang EO para sa malawakang impraistrukturang digital para sa lahat.

Napakamasalimuot ng prosesong pinagdaraanan upang makapagpatayo ng telco cell tower na kailangan upang makapaghatid ng internet signal sa isang lugar sa ating bansa. Kinailangang maglabas noon ang administrasyong Duterte ng dalawang Joint Memorandum Circular (JMC) — ang JMC no. 1 series of 2020 at ang JMC no. 1 series of 2021 — hinggil sa pag-iisyu ng mga permit, lisensya, at sertipiko sa pagtatayo ng mga telco tower at iba pang imprastraktura para sa serbisyong internet.

Sampung ahensya ang nagsanib pwersa para itulak ang dalawang JMC.

Dahil sa mga circular na ito, ang oras ng pagproseso upang makakuha ng mga permit ay nabawasan mula sa walong buwan hanggang 16 na araw para sa mga telco tower, at mula 2.5 taon ay naging 2 at kalahating buwan lamang para sa iba pang digital na imprastraktura kaya naman 7,000 karagdagang telco tower ang naitayo sa loob lamang ng 18 buwan. sa Mula sa 22,700 naging 29,700 ang telco tower sa bansa kaya mas mapabuti ang serbisyo o signal ng internet sa mas maraming lugar.

Malinaw na naging epektibo ang mga JMC — subalit ang mga ito ay may bisa hanggang Hulyo 2023 na lamang.

Upang maipagpatuloy at mapabilis pa ang paglalatag ng imprastrukturang digital sa buong bansa nang maserbisyuhan ang lahat ng Filipino, kailangang maglabas ng bagong legal na instrumento ang kasalukuyang administrasyon. Dito pumapasok ang pangangailan para sa Executive Order sa lalong madaling panahon.

Nauna nang naglabas ng nanawagan ang Private Sector Advisory Council at Anti-Red Tape Authority na nananawagan sa Palasyo na agad na maglabas ng Executive Order (E.O) na sasaklaw sa lahat ng probisyon ng dalawang JMC.

Kinakatigan namin sa Bantay Konsyumer ang panawagang ito.

Isulong ang imprastrukturang digital para sa lahat.