KAILANGAN NG BAGONG SOLUSYON SA KUMPLIKASYON NG KURYENTE
May nakaambang pagtaas ng presyo ng kuryente sa pagpasok ng bagong taon na kung uunawaing maigi ang mga pangyayari na nagmula sa isang desisiyon ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Dapat malaman o maalala ng lahat na may power supply agreement (PSA) sa pagitan ng Meralco at ang isang kompanya ng SMC, ang South Premiere Power Corp. (SPPC).
Humiling ng kaluwagan ang subsidiary na ito ng SMC upang matugunan ang kanilang malaking pagkalugi dahil sa grabeng pagtaas ng presyo ng krudo bunsod ng nangyayaring giyera sa pagitan ng Russia at Ukrain. Ang hiling nila ay payagan ang pansmantalang pagtaas ng P P1.57/kWh sa kanilang generation charge upang mabawi ang bilyong-bilyong pagkalugi dahil sa pambihirang taas ng krudo na unti-uniting sisingilin sa loob ng anim na buwan para hindi mabigat sa mga konsyumer. Tahasan itong itinanggihan ng ERC sa padadahilang kanyang pinuproteksyunan tayong mga konsyumer at dapat panindigan ng SMC ang kanilang kontratang magsuplay ng kuryente sa Meralco.
Ang kapansin-pansin para sa BK3, ang mga pag-compute at simulation, na kinumpirma ng Regulatory Operations Service ng ERC, ay nagpakita na ang mga kontrata ng San Miguel, kahit na inaprubahan ng ERC ang iminungkahing pagtaas ng singil, ay makapagbibigay ng pinakamababang halaga ng kuryente para sa mga konsyumer.
Sa pagtanggi sa naturang petisyon ng SMC ng ERC, maganda man ang hangarin ay mukhang mabibigatan pa lalo ang mga konsyumer.
Mula ng naturang pagtanggi sa kahilingan ng SMC na iyon, nakakuha na nga ang SMC ng pansamantalang restraining order at pinahintulutan nito ang SMC o SPPC na ihinto ang pagbibigay ng 670 MW sa Meralco. Sinimulan ng SPPC na ipatupad ito noong Disyembre 7.
Dahil dito, kinuha ng Meralco ang buong kapasidad ng kontratang PSA mula sa higit na mas mataas na presyo sa WESM simula Disyembre 7.
Mabuti na lang at sinimulan na ng Meralco ang negosasyon para sa emergency power supply agreements (EPSA) bilang bahagi ng pagsisikap nitong mapagaang ang epekto ng TRO sa kanyang mga customer.
Ito ay humantong sa pagpapatupad ng kasunduan sa pagitan ng Meralco at GNPower upang bahagyang masakop ang 670 MW supply at mabawasan ang bigat ng presyo mula sa WESM.
Gayunpaman, kahit na ang mas mababang rate ng EPSA na P5.96/kWh kumpara sa P9/kWh ng WESM, mas mataas pa rin ang rate kaysa sa P4.30/kWh rate sa orihinal na supply deal ng Meralco sa SPPC.
Sa huling paglilimi, ang desisyon ng ERC na tanggihan ang pakiusap ng San Miguel ay nagresulta sa isang masakit na pagtaas sa generation charge na mararamdaman ng mga customer pagpasok ng Bagong Taon.
Pwede siguro baguhin ng ERC ang desisyon at payagan na ang hiling ng SMC na konting palugit sa kanilang generation charge para tuloy ang kanilang produksyon ng kuryente.
Aanhin natin ang isang strikto at magandang pakinggang desisiyon kung ang resulta ay malaking kawalan sa suplay ng kuryente at mas-mataas pang electricity bill. Talo nanaman ang milyon-milyong customer ng Meralco sa kalagayang ito.
Sana ay magkaroon ng bagong solusyon ang ERC na katanggap-tanggap sa lahat lalo na sa mga konsyumer.
Louie Montemar
Convenor