Kapit-bisig para sa kalikasan at ekonomiya

Sa isang talakayang birtwal nitong ika-21 ng Abril, 2021, na inorganisa ng grupong pampanaliksik na Stratbase Albert Del Rosario Institute for Strategic and International Studies o ADRI, nilatag ng ilang piling tagapagsalita mula sa mga pampribadong korporasyon  at mga non-governmental organizations ang ilang mga pangunahing karanasan at inisyatibo sa pagsasabuhay sa mga prinsipiyong ngayon ay tinatawag na ESG o Environment, Social, Governance.

Sa madaling salita, Ang ESG ay pagbibigay halaga sa mga magkakaugnay na usapin ng pangangalaga sa kalikasan, pagpapalago sa ekonomiya, kapakanan ng tao, at maayos na pamamahala.

Sa nasabing talakayan, aming higit na napagtanto ang  pangangailangan sa pagiging isang matalino at  responsableng konsyumer sa ilalim ng isang demokratikong kaayusang panlipunan.

Nakamamangha at nakapagbibigay pag-asa para sa isang mas maalwang kinabukasan para sa lahat ang mga halimbawang naibahagi tungkol sa mga matagumpay na pangangalaga sa kalikasan habang higit pang pinalalago ang mga negosyo gamit ang mga demokratiko at mga konsultatibong pamamaraan.

Para sa BK3, mahalagang mabalanse ang interes ng mga konsyumer sa pangmatagalang usapin ng pangangalaga sa kalikasan.

Sa ganang ito, nananawagan kami na higit pang paigtingin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang mga gawain sa pangangalaga sa ating kalikasan.

Hindi dapat na nakatuon lamang tayo sa mga pangangailangang pangkasalukuyan.  Ang pagiging responsableng konsyumer ay hindi lamang pagbibigay pansin sa mga pangangailangan pangkasalukuyan. Ito rin ay pagbibigay-halaga sa mga pangangailangan at interes ng mga darating pang henerasyon o salin-lahi ng ating bansa at ng buong mundo.

Pangalagaan natin ang ating kalikasan habang pinalalago ang ekonomiya!  Posible ang pagbabalanseng ito at naisasagawa na nga ito sa ngayon ng iba’t ibang sektor ng eknomiya at industriya.

Kailangang magkapit-bisig tayo—ang mga samahan ng mamamayan, ang pampribadong sektor pangkabuhayan at pang-industriya, at ang pamahalaan—sa pagbubuo ng isang likas-kaya [sustainable], malago, at mapayapang kinabukasan para sa lahat!