Kuryente alanganin pa rin!

Pahayag ng BK3

 

Hinggil sa supply ng kuryente sa bansa, dapat bang patuloy na nakabingit tayong lahat sa alanganin sa susunod na tatlo o apat na buwan?

Ayon sa isang pahayag nitong nakaraang linggo lamang mula kay Fidel Dagsaan, Philippine division head para sa power network planning ng National Grid Corporation, inaasahang magiging normal ang supply ng kuryente para sa Luzon grid sa darating pang Setyembre kapag ang ating mga hydropower plant ay nagpapatuloy na muli ang operasyon pagkatapos ng tag-ulan.

Sinabi rin Dagsaan na ang yellow at red alerts ay maaaring patuloy na itataas sa Luzon grid hanggang Setyembre. Ibig sabihin lamang, lubhang bumababa ang supply ng kuryente.

Nitong nakaraang buwan, tinanong na natin kung sapat ba talaga ang mga pansamantalang tugon ng mga ahensiya ng pamahalaan sa mga yellow alert warnings?  Ngayon may Red Alert pa!

Nagba-brownout na nga ng husto sa harap ng matinding init. Hindi ba kailangan ng mas mainit pang aksiyon na may pangmatagalang epekto?

Isipin na lamang ang epekto ng ganitong matagalang kakulangan ng kuryente sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan at sa operasyon ng mga negosyo at kita ng ating mga negosyante at kanilang mga manggagawa.

Tanong natin sa DOE at ERC, PA’NO NIYO HAHABULIN ANG KAKULANGAN SA KURYENTE?