Kuryente para paganahin ang mga telco tower

Walang standardized na mga proseso; pagkaantala, pagkalito, at kakulangan sa mapagkukunan ng mga permit; labis na makipot at mahigpit na mga iskedyul sa pagkuha at pagproseso; at hindi pagkakapare-pareho mga bayarin: Ilan ito sa mga hamon na hinaharap sa pagpapagana ng mga telco tower sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Natukoy ang mga ito sa isang workshop na isinagawa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) kasama ang ang mga telco operators ng bansa na ginanap kamakailan.

Bilang mga konsyumer, kinikilala namin ang kahalagahan ng mga telco tower sa bansa bilang gulugod ng digital infrastructure ng ating bansa.

Sa isang maayos na digital infrastructure, lalo pang yayabong ang ekonomiya. Mapabibilis ang iba’t ibang transaksiyon sa pagitan ng mg mamamayan at iba’t ibang institusyon sa bansa, lalo na sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Dahil rito, nananawagan ang BK3 na ilabas na ng Pangulo ang Executive Order para sa pagpapayabong ng telecommunications infrastructure dito sa ating bayan. Kailangan ito upang mapasunod nang lubos ang iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng pamahalaan lalo na sa antas na lokal kung saan dapat maganap ang mabilisang pagbabago at pagsasaayos ng mga proseso.

Kailangang paramihin pa at paganahin nang lubos ang mga telco tower upang maiangat pa ang lokal at pambansang ekonomiya, at mapaunlad ang buhay ng karaniwang mamamayan.