Kuryente para sa mamamayan ng Cagbalete madaliin na!
Libu-libong mga pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang patuloy na napagkakaitan ng maayos na daloy ng kuryente na magpapainam sa kalidad ng kanilang buhay.
Sa ibang komunidad na medyo mas nabiyayaan pa nga, may oras lamang ang pagkakaroon ng kuryente. Paputol-putol ang serbisyo na para bagang pamyanang napakadaming tao habang salat naman sa tubig. Uhaw sila sa serbisyong pang-enerhiya na maaasahan.
May solusyon naman sana dito.
Bilang halimbawa, nitong Mayo 2019, pormal na sinimulan ng Meralco, Department of Energy (DOE), at Energy Regulatory Commission (ERC) ang “solar hybrid microgrid” project sa Cagbalete. Gumagamit ito ng teknolohiyang solar energy at battery storage upang makakalap at makapag-ipon ng kuryente mula sa sinag ng araw. May ilang mga diesel powered generators din na sumusuporta para makapag-suplay ng tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa isla nang hindi na kailangan ikonekta sa main grid.
Ito ang nakita ng DOE, ERC at Meralco na pinakamabisang solusyon para mapa-ilawan ang isla Cagbalete na halos labingtatlong kilometro (13km) ang layo sa pinakamalapit na linya ng kuryente sa Mauban sa Quezon. Sa kasong ito, naging mas epektibo ang pagtatayo ng isang microgrid na may sariling generating capacity para sa isla kaysa itawid pa sa dagat ang linya.
Naulat na may isang taon na rin ang nakalipas subalit nasa 100 kabahayan pa lamang ang nakikinabang sa proyektong ito. Halos 600 pang mga residente ng Cagbalete ang naghihintay na sila din ay mapa-ilawan.
Ang mungkahing pagpapalawig sa project para sa “solar hybrid microgrid” ng Cagbalete ay naihain na ng Meralco sa ERC at hininihintay na lang ang pagsang-ayon dito ng nasabing regulator. Hanggag kalian po maghihintay ang 600 pang pamilya sa isla?
Kailangan pa natin ng mas marami pang ganitong set-up sa iba’t iba pang lugar sa bansa. Unahin na natin ang Cagbalete sa ngayon, subalit pabilisin natin ang paglilingkod sa ating mga mamamayan!
Lalo na ngayong lumulugmok ang ating ekonomiyang pambansa, mas kakailanganin pa ng pagpapatibay sa mga maliliit nating pamayanan sa buong bayan.