Mababang singil sa kuryente, taos-puso na tinaggap ng mga mamamayan
Mainit at taos-puso ang naging pagtanggap ng mga Pilipino konsyumers sa pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo dulot ng “refund” o pagsasauli ng “over-recovery” ng “pass-through charges” noong mga taong 2014-2016. Ang pagbawas ng presyo ng kuryente ay bunsod ng pagsang-ayon at pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa “petition for refund” na inihain ng Meralco noong May 11, 2017 na ipinatutupad ngayong Hunyo hanggang Agosto 2017.
Isa pang kadahilanan ng pagkabawas ng halaga ng kuryente ay ang pagbaba ng “generation cost”. Dahil sa mga mababang singil ng mga IPP o “Independent Power Producers” at sa pagbaba ng mga presyo sa PSA o “Power Supply Agreements”, ang naging epekto nito ay ang kabuuan na pagbaba ng presyo ng kuryente.
Sa halagang Php 9. 60 per kWh noong Mayo, ang nasasabing halaga ay bumaba pa ng Php 1.43 per kWh. Sa bagong halaga na Php 8.17 per kWh, ang suma total ng pagkakatipid ng kuryente ay Php 285 sa isang bahay na gumagamit ng 200 kWh na kuryente. Maituturing itong isang munting tagumpay para sa isang ordinaryong Juan de la Cruz.
Ayon sa Bantay Kuryente Secretary General na si Patrick “Pet” Climaco, “Lubos ang pasasalamat namin sa ERC sa pagpapatupad ng refund na ito. Ang aming organisasyon ay natutuwa sa desisyong ito dahil napapakita nito ang malasakit ng ating gobyerno sa kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan na tulad ko. “
Dagdag ni Climaco na “Di lamang magaan sa bulsa, ito rin ay magaan sa aming kalooban. Patuloy naming ipaglalaban ang mga karapatan naming mga konsyumer, di lang sa mababang singil sa kuryente kundi pati na rin sa iba pang mga isyu na kinahaharap ng ating lipunan.”