MAHAL NA, PURO BROWN OUT PA!

MAHAL NA, PURO BROWN OUT PA!
MALAKING PROBLEMA ANG KURYENTE SA NASUGBU, BATANGAS

Malaki ang potensyal ng bayan ng Nasugbu sa Batangas. Sa katunayan, ito ay primera-klaseng bayan sa buong lalawigan. Subalit nahaharap ngayon ang Nasugbu sa isang matinding krisis — laganap ang brownout sa buong kabayanan. Apektado ang iba’t-ibang sektor pati na rin ang kani-kanilang trabaho at kabuhayan. Kapag tuluyang napabayaan ang sitwasyon, tiyak itong mauuwi sa matinding kahirapan at kaguluhan.

Ang matinding pag-alma ng mga mamamayan ng nasabing bayan ay patunay na pabigat na nang pabigat ang nasabing sitwasyon. Kailangan na itong aksyunan sa pangunguna ng kanilang punong-bayan. Kailangang nang makahanap ng alternatibong power suplay provider na may subok na kakayahan at maaasahang suplay ng kuryente para sa buong bayan.

Dagdag pa sa kapalpakan ng serbisyo ng di-umano’y kumpanya ng distribution utility na ito ay napakataas ng singil sa kuryente. Maling-mali na nagbabayad para sa serbisyong napakamahal pero hindi naman napapakinabangan ng taumbayan.

Ang usapin ito ay di lamang nagaganap sa bayan ng Nasugbu. Tiyak na marami pang mga bayan sa buong bansa ang nakararanas ng mahal na singil subalit walang kwentang serbisyo ang kapalit. Karapatan ng bawat konsyumer na makapili ng distribution utility na magbibigay ng maayos na serbisyo at hindi perwisyo.

Panahon na upang humanap ng kumpanya ng kuryente na kayang bigyan ng magandang serbisyo ang buong bayan ng Nasugbu. Dapat nang wakasan ang mapanira at di makatarungang sitwasyon kung saan patuloy na ang pagdurusa ng taumbayan, nauudlot pa ang malaking potensyal ng kanilang ekonomiya.

Pet A. Climaco

Secretary – General

BK3