Mas murang kuryente dahil sa CSP
Ikinalulugod na bigyang-pansin ng Bantay Konsyumer, Kuryente, at Kalsada (BK3) ang ilang usapin sa presyo ng kuryente sa bansa.
Mula sa P4.9039 bawat kWh noong nakaraang buwan, ang singil sa kuryente para sa Pebrero ay bumaba sa P4.5090 bawat kWh–bumaba ng P0.3949 bawat kWh.
Dahil na rin sa Competitive Selection Process (CSP) ay nakapag kontrata ang Meralco sa mga brownfield power facilities at naibaba ang presyo ng kuryente sa P4.0372 bawat kWh average at ambag nito ang 21% supply ng Meralco.
Bumaba din ng P0.2839 bawat kWh ang mga buwis at iba pang singil ng pamahalaan! Halimbawa, ang Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) ay bumaba ng P0.1731 bawat kWh matapos aprubahan ng ERC ang isang mas mababang FIT-All ng rate na P0.0495 bawat kWh kumpara sa nakaraang subsidy na P0.2226 bawat kWh.
May magandang balita pa ang makukuha mula sa mga kaganapang ito. Kaya pa nating maibaba ang presyo ng kuryente!
Una, nanawagan ang BK3 sa Meralco na mas pabilisin ang pagproseso sa mas marami pang CSP lalo na para sa mga bagong planta! Higit pang matitiyak nito ang seguridad natin sa supply ng kuryente at mas maitutulak pa nito pababa ang presyo ng enerhiya para sa lahat.
Ikalawa, may panawagan din kami sa DOE at ERC na na suportahan ang pagtatayo ng mga bagong planta para masiguro ang maasahan at mas murang kuryente.
Pangatlo, repasuhin pa ang mga itinakdang buwis at ibang singilin ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya. Huwag nang lalong pahirapan ang mamamayan at suportahan pa dapat ang mga negosyo sa pamamagitan ng matamang pagbubuwis!
Abot-kamay lamang ang mababang presyo para sa lahat. Matamang patakaran at pamamahala ang kailangan.